NANAWAGAN kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang isang pribadong mamamayan na silipin ang dahilan ng makupad na pagtugon ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa kasong pitong taon nang nakasalang sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Jeff Garrido, pitong taon na nilang hinihintay ang Order of Execution para sa kasong DARAB Case No. 17185 (Gorgonia Mariano versus Spouses Joseph Andres et al) pero hanggang ngayon ay wala pa rin silang maaninaw na katuparan.
Nitong nakaraang 3 Enero 2018, muling nagpadala ng follow-up letter si Garrido sa DAR ngunit sinagot umano ito ni Atty. Roland Manalaysay, Executive Director, DARAB Secretariat, sa kanyang Indorsement letter noong 5 Pebrero 2018, na ang nasabing kaso ay reresolbahin agad.
Hiniling din umano ni Garrido na hingin ang pangalan ng Ponente para sa 17185 para makapaghain umano siya ng kaukulang reklamo sa Supreme Court o sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) para sa Disbarment and Discipline of Attorneys Rule 139-B.
Ngunit ilang buwan na ang nakalilipas, hanggang ngayon ay wala pang linaw kung maglalabas na ang desisyon ng DAR.
Umaasa si Garrido, na mabibigyan ng pansin ng Palasyo ang kanyang reklamo.