Monday , December 23 2024

Spokesperson Pialago: “Clearing ops ng MMDA ipinagbawal sa Maynila”

IPINAGBAWAL na raw sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng clearing operations laban sa illegal vendors at illegal terminal sa lungsod ng Maynila.
Ito ay napag-alaman sa magkakasunod na post ni MMDA Spokesperson Celine Pialago sa Facebook mula kamakalawa hanggang kahapon.
Ang MMDA ay katatapos lamang magsagawa ng clearing operations laban sa illegal vendors at obstructions na sumasakop sa kalsada ng C.M. Recto sa Divisoria noong Biyernes.
Ayon sa post ni Pialago, isang hindi pinangalanang opisyal ang tumawag sa kanila at pinagsabihan ang MMDA na itigil ang clearing sa kanyang nasasakupang lugar.
Nitong Sabado (May 19), ganap na 9:58 AM, sabi sa post ni Pialago:
“Unfortunately, an official called us to stop clearing his area. Dapat daw alam nila, dapat daw i-coordinate muna. Really Sir?”
Makaraan lang ang may dalawang oras ay muli umanong nakatanggap ng panibagong tawag si Pialago, at ayon sa sumunod na post sa naturang FB account, 11:39 AM:
“Another call to delete my post. Hayyy.”
Ang hindi maliwanag ay kung sinong opisyal ang nagbawal sa MMDA na magsagawa ng clearing ops sa Maynila at kung saang tanggapan nagmula ang tawag kay Pialago na nagsabing tanggalin ang kanyang post sa Facebook.
Pasado alas 3:00 ng hapon, Linggo (May 20), sabi naman sa post ni Pialago:
“Pinagbawalan na kami mag-clearing sa Manila.”
Aba’y, paano kung tumawag din ang ibang Metro mayors para pagsabihan sila ay ganap bang ititigil ng MMDA ang pagtupad sa kanilang tungkulin na buwagin ang obstructions sa mga lansangan tulad ng illegal terminal, illegal vendors at illegal parking na sanhi ng grabeng pagsisikip ng trapiko, tulad ng illegal terminal, illegal vendors at illegal parking?
Para que at binigyan ng poder ang MMDA na buwagin ang mga prehuwisyong sagabal sa lansangan?
Baligtad pala ang mangyayari, MMDA pa ngayon ang lalabas na nasugpo ng mga salot na illegal terminal at nalupig ng illegal vendors.
Mabuti pa, buwagin na lang ang MMDA kung inutil naman pala at wala na rin lang silbi.

Puro daldal lang ba si USEC Diño ng DILG?

NOONG nakaraang buwan ay kinasuhan ng MMDA si Ligaya V. Santos, dating kupitan, este kapitana ng Bgy. 659-A, sa Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa hindi mabuwag na pesteng illegal terminal sa Plaza Lawton.
Agad nating naitanong sa pitak na ito kung sa kabila ng isinampang kaso laban kay Santos ay ano ang gagawin ng DILG at MMDA sakaling magpatuloy ang illegal terminal at illegal vendors sa pambababoy sa Liwasang Gat Andres Bonifacio sa Lawton?
Hindi nga tayo nagkamali dahil mistulang balewala ang isinampang kaso ng MMDA sa DILG laban sa dating barangay official, tuloy ang ligaya ng mga buwitreng nakikinabang sa nasasabsab na kuwarta mula sa ilang dekadang pamamayagpag ng illegal terminal sa lugar.
Akala siguro ni DILG Undersecretary for Barangay Martin Diño ay madaraan sa puro dakdak ang pagsugpo sa illegal terminal at pagkastigo sa mga suwail na opisyal ng barangay.
Kung talagang gustong ipatupad ni Diño ang batas, bakit hindi niya pinapoposasan at ipakulong si Santos at ang mga opisyal ng barangay na may sakop sa Lawton?
Bakit hindi pakasuhan at maipasibak ni Diño kahit man lang ang PCP commander ng Manila Police District (MPD) sa Lawton na nagsisilbi pa yatang security ng illegal terminal at illegal vendors?
Hindi ba’t ang barangay at pulis ay nasa pundilyo ng DILG kaya’t kung tutuusin ay magagawang parusahan ni Diño kung gugustuhin, kaysa puro salita lang sa media?
‘Yan ay magagawa lang ni Diño kung kanyang pinahahalagahan ang tiwalang ibinigay sa kanya ni Pres. Rodrigo “Digong” Duterte.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *