GUMUHO ang gitnang bahagi ng itinatayong flyover sa Imus, Cavite nang mawala sa balanse ang isa sa ikinakabit na support beam, dakong 11:45 pm nitong Sabado.
Nagkalat ang tipak-tipak na mga semento at iba pang materyales sa Emilio Aguinaldo Highway nang gumuho ang gitnang bahagi ng itinatayong flyover.
Masuwerteng walang naitalang nasugatan sa insidente ngunit nadaganan ng gumuhong beams ang isang trailer truck ng project contractor at isang motorsiklo ng traffic enforcer.
Pansamantalang nakasarado sa mga motorista ang Emilio Aguinaldo Highway sa kanto ng Daang Hari at tinatayang aabutin hanggang Lunes bago tuluyang maalis lahat ng nakahambalang sa kalsada.
Inabisohan ang mga motorista na dumaan muna sa Anabu Road, Daang Santol Road at Malagasang Road para sa light vehicles habang maaaring dumaan ang mga truck at bus sa Salitran Road at Molino Boulevard.
Tinatayang aabot sa P13 milyon ang halaga ng pinsala ng naturang insidente.
Samantala, pinabulaanan ng Department of Public Works and Highways ang mga alegasyon na substandard ang ginamit na mga materyales kaya gumuho ang bahagi ng flyover.