Friday , November 15 2024

Starring ang role ni “Buboy” sa P80-M “Buhay Carenderia”

NANG una kong marinig ang “Buhay Carenderia” akala ko ay pamagat lang ito ng pagbibidahang pelikula ng aktor na si Cesar “Buboy” Montano, chief operating officer (COO) ng Tourism Promotions Board (TPB), na pinondohan ng P80-M.
Ang Buhay Caren-deria pala ay panibagong anomalya sa Depart-ment of Tourism (DOT) na nagsasangkot kay Buboy na ating bida sa nabulgar na 2017 audit report ng Commission on Audit (COA).
Lumalabas, ang P80-M budget mula sa pondo ng DOT ay ginamit sa isang okasyon na nagtatampok sa Filipino street foods at mga karehan (karenderia).
Pero ang hindi maintindihan sa maanomalyang proyekto ay kung ano ang kabuluhan o koneksiyon ng nasabing proyekto para humikayat ng mga dayuhang turista sa bansa at kailangang pagkagastahan ng halagang P80-M.
‘Yan din ang gustong malaman ni bagong DOT Sec. Berna Romulo-Puyat na maliwanagan at kung dumaan sa tamang proseso ang pagpasok ni Buboy sa proyekto tulad ng bidding, alinsunod sa batas na kung tawagin ay Procurement Law.
Matatandaan na si Buboy ay una nang inireklamo ng pag-abuso sa tungkulin at idinawit ng TPB employees sa ilang anomalya pero agad siyang idinepensa ni Pres. Digong.
Noong nakaraang taon, si Buboy ay naakusahan ng “mismanagement, incompetence, nepotism, conflicts of interest, using government funds for personal use, and hiring consultants and staff” ng TPB employess.
May iba pa raw mga isyu na gustong itanong si Puyat kay Buboy, pero ang hindi nga lang natin alam ay kung paano isa-isang masasagot at maipaliliwanag ng ating bida.
Basta’t ang sabi ni Puyat, inatasan siya ni Pres. Digong na rekisahin ang mga naunang transaksiyones at proyektong pinasok ng DOT bago siya maitalagang kalihim.
Balitang nakabalik na sa bansa si Buboy mula sa Estados Unidos ng Amerika at nakatakda silang magkaharap ng bagong kalihim habang isinusulat natin ito kahapon.
Abangan na lang natin ang mga detalye kung talagang si Buboy nga ang starring role at pangunahing bida sa maanomalyang Buhay Carenderia.
Idol talaga si Buboy, kahit sa totoong buhay ay starring role at bidang-bida ang dating.
Wala ba kaming balato o kahit pasalubong man lang diyan ni Pareng Yoti, idol Buboy? Hehehe!

Pondo sinandok ng MTRCB Board

NABISTO rin ng COA ang maanomalyang pagsandok ng pondo sa Movies and Television Review and Classification Board (MTRBC) na hindi suportado ng mga kaukulang dokumento.
Sabi sa 2017 audit report ng COA, sa pangunguna ni dating Pangasinan representative at MTRCB chair Rosemarie Arenas ay sumandok para sa kanilang sarili ng P14-M bonus, travel allowances at rice subsidies ang mga miyembro ng board.
Umabot daw sa P21-M ang nawaldas na kuwarta sa monitoring allowances at rice subsidy ni Arenas at ng MTRCB board pero ang nasabing halaga ay dinoktor at pinalabas na ginasta sa kanilang travel expenses na wala namang kaukulang dokumento.
Sa nabanggit na halaga, P6-M ang benepisyong napunta at ibinigay ng board members sa kanilang sarili at sa MTRCB special agents bilang “monitoring expenses.”
 Ayon sa COA, ang monitoring ay wala sa mandato ng MTRCB board kung hindi trabaho ng Monitoring and Inspection Unit, alinsunod sa PD. No 1986.
Sabi sa COA report, pinalitaw ng mga opisyal na nagdaraos sila ng higit sa 10 review sessions para mas malaking insentibo ang makolekta ng MTRCB board members.
Tingnan natin kung paano madodoktor ni Arenas at ng MTRCB board members ang mga dokumento na ipinasusumite sa kanila ng COA para malusutan ang nakaambang kaso laban sa kanila.
Halos magkakatulad yata ang katiwalian na nabubuko ng COA ngayon sa iba’t ibang ahensiya at tanggapan ng gobyerno, bakit puro walang kaukulang dokumento?
Santisima!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *