TAPOS na ang eleksiyon ng Barangay and Sangguniang Kabataan (BSK). Ang lahat ng mga nagwagi ay maglilingkod sa loob ng dalawang taon (2018-2020).
Maliban kung magkaroon na naman ng hindi maiiwasang pangyayari o pagkakataon para muli itong iliban.
At dahil isang araw lang ang eleksiyon, tigilan na po natin ang ‘litanyang’ nadaya o nanalo dahil namili ng boto, etc. etc.
Pagkatapos pong manumpa sa inyong mga tungkulin, umpisahan na po ninyong magtrabaho at tuparin ang inyong ga ipinangako.
Ituwid na po ang sistemang baluktot sa loob ng barangayan upang tuluyang makahulagpos sa korupsiyon.
Kung mayroon pong mga nakalusot na walang ginawa kundi pagkitaan ang barangay, ‘tulungan’ po ninyo silang baguhin ang kanilang bulok na sistema.
Sa mga barangay na ‘nag-aalaga’ ng mga gawaing ilegal gaya ng illegal parking na nagkakanlong ng mga kolorum na sasakyan at illegal vendors, panahon na paro tuluyang tagpasin ang sungay ng mga namumunini sa nasabing ilegal na kabuhayan at ang mga nakikinabang sa protection racket.
Umaasa rin tayo na tototohanin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño na sasampahan ng kaso ang mga lumabag sa Omnibus Election Code lalo ang mga nag-vote buying.
E sa totoo lang, ngayong panahon na nagsasabing may mga nagsusulong ng pagbabago, naging talamak ang vote buying.
Mula P200 hanggang P3,000 umano ang bilihan ng boto. (Mga suki, ituro po ninyo kung saan-saang lugar ang mga ‘yan para masampahan ng kaukulang kaso ni Usec. Diño).
Mantakin ninyo, Barangay and Sangguniang Kabataan (BSK) elections pa lang ‘yan. E paano pa sa midterm elections sa susunod na taon, sa 2019?
Hindi kaya lalo pang bumaha ang kuwarta?!
Hindi po mangyayari ‘yan kung seryosong magtatrabaho ang mga nagwaging barangay and SK officials.
‘Yan po ang dapat nating pagtulungan.
PROBLEMA SA TUBIG SA BORACAY
Ewan lang natin kung aaksiyonan ba agad ng gobyerno ang lumalalang problema ngayon ng mga mamamayang lokal sa isla ng Boracay.
Nitong mga nakaraang araw ay hindi lang mga dumarayong turista ang nawala sa isla kundi ang kanilang supply na inuming tubig!
Halos isang linggo na raw na walang makuhang water supply bunsod ng mga ginagawang konstruksiyon sa isla.
Apektado raw kasi ang mga tubo na dinaraanan ng supply ng tubig galing sa “Boracay Water” na nagsu-supply ng malinis na tubig sa isla.
Susmaryosep!
Bagamat paligid ng tubig dagat ang lugar, hindi naman uubra na doon rin manggagaling ang “potable water” na iinumin ng mga tao.
Wala naman din mabilhan ng bottled waters dahil pawang sarado na ang mga tindahan doon na dati’y tila “kabute” na umuusbong sa buong Boracay.
Pati raw mga pagkain lalo na ang mga lamang dagat ay dumoble na rin ang presyo dahil sa kasakukuyang sitwasyon.
Wattafak!?
Para talagang tinamaan ng delubyo ang tila paraisong lugar noon.
Sino nga naman ang makapagsasabi na aabot ang ganitong prehuwisyo sa pagsasara ng isla?!
Sa mga may “means” naman na negos-yante, marami rin daw ang nagsasamantala sa nangyayari.
Sa halip na makisimpatiya sila sa mahihirap ay lalo pa nilang ginigipit.
Ano naman kaya ang ginagawang aksiyon ng local government unit sa isyung ito?
Ayon sa ulat ng mga naka-monitor na media sa isla, mabilis daw ang ginagawang konstruksyon datapwa’t kailangan ng additional manpower maging ng makinarya para dumoble ang produksiyon kada araw.
Medyo nagkakaroon din daw ng katanungan ang ilan dahil may malalaking establishments gaya ng Henann, Shangri-la at ilan pang mga sikat na hotels ang ‘di pa ginagalaw sa ngayon.
Wala kayang palakasan diyan?
Kung aabutin pa ng isang taon ang muling pagsasaayos sa isla hindi kaya kumalat na ang mga naagnas na bangkay sa lugar dahil sa gutom at uhaw na nangyayari sa madla?
Sana naman ay palawakin ng mga awtoridad ang kanilang isip at magawan ng aksiyon ang kasalukuyang problema bago mahuli ang lahat!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com