ANO ba ang nangyayari sa mga pinagkatiwalaan at pinaniwalaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na makatutulong sa kaniyang umugit ng pagbabago para sa gobyerno?!
Aba, karamihan sa kanila e nasasalang sa mapanuring mata ng Commission on Audit (COA) dahil sa sobrang paggastos o hindi tamang paggastos o kaya naman ay hindi makapag-ulat nang tama sa mga ginastos nila.
Sa ulat ng COA na inilathala sa kanilang website, ang Movies and Television Review and Classification Board (MTRCB) Board members ay nabiyayaan noong nakaraang taon ng karagdagang benepisyo na nagkakahalaga ng P5.2 milyones alinsunod sa kanilang board resolution.
Bukod sa P5.2 milyon, napansin rin umano ng COA ang paglalabas ng P2.3 milyon para sa monitoring allowance at rice subsidy ng MTRCB officials and employees, at karagdagang P6 milyong travel expenses. Mayroon umanong entry na walang sapat na supporting documents.
Ang trabaho po ng MTRCB ay mag-screen, magrebyu at magsuri ng mga pelikula, programa sa telebisyon, kabilang ang ads & trailers at ‘stills’ bago ipalabas sa publiko.
Lahat ito ay kinuwestiyon ng COA at kailangang ipaliwanag ni MTRCB chair Rachel Arenas, dating Pangasinan representative at anak ng socialite at philanthropist na si Ms. Rosemarie “Baby” Arenas.
Kabilang sa karagdagang benepisyo na ipinagkaloob sa MTRCB Board members ang gastusin para sa monitoring, review of materials in the optical media; at insentibo sa pagdalo sa review sessions lampas sa 10 minimum sessions.
Pero ayon sa COA, ang monitoring activities ay isinailalim na sa Monitoring and Inspection Unit at hindi na kasama sa functions ng Board members.
Ang tanging gawain ng MTRCB ay pagrerepaso sa materyales ng optical media at review of films and TV programs alinsunod sa PD. No 1986.
Heto ang matindi sa ulat ng COA, ang monitoring allowances at rice subsidy ay ini-record sa MTRCB fiscal report bilang “travelling expenses without the proper supporting documents.”
Hanggang noong 31 Disyembre 2017, ang MTRCB ay may kabuuang P21 milyong travel expenses. Ang P6 milyon rito ay bilang “monitoring expenses” na ipinagkaloob sa board members at MTRCB special agents.
Sa ngayon, inatasan ng COA ang MTRCB na isumite ang lahat ng dokumento para suportahan ang sinasabi nilang “Special Budget” kabilang ang karagdagang benepisyo ng board members at MTRCB employees.
Parang napupuna natin na ang ibang appointees ni Pangulong Digong ay malalakas lang gumastos…
Pero hindi sariling pera ang ginagastos nila kundi pera ng gobyerno mula sa taxpayers money o kaya ay mula sa utang ng gobyerno sa mga international resources, na binabayaran ng dugo’t pawis ng bawat mamamayang Filipino.
Ang kaigihan lang ngayon, mga ‘engot’ kuno mag-report ang malalakas gumastos kaya nabubuking. Matapos nilang masilaw sa napakalaking budget, nahahalata tuloy na hindi sila sanay makakita o hirap bilangin ang ganoon karami o kalaking pera kaya hindi rin nila alam kung para saan at paano gagastusin kaya tosgas nang tosgas lang.
Kung ganoon kabulanggugo sa paggamit ng pera nang may pera (lalo na’t pera ng gobyerno ‘yan) ang mga appointee ni Tatay Digong, bakit sila naitatalaga?!
‘Yan siguro ang unang dapat isaalang-alang ng Pangulo sa pag-a-appoint — huwag magtalaga ng mga taong animo’y makuwarta pero walang maiturong resources kung saan galing ang kuwarta nila.
Malinaw na malinaw, papasok sila sa gobyerno for power, money and influence. Puwede rin na kaya nila gustong pumasok sa gobyerno e para mag-protection racket.
Dapat lang silang kilalanin habang maaga pa Pangulong Digong, dahil kung hindi, magigising kayong sila ang dahilan ng pagkabigo ninyong ihatid ang tunay na pagbabago sa bansang minsan ninyong pinamunuan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap