TULOY ang kampanya ni Food and Drug Administration Regulatory Enforcement Unit (FDA-REU) chief Allen Bartolo sa mga produktong overpriced pero hindi naman pala sigurado sa ipinapangakong magandang resulta nito.
Ang sinasabi po natin, ang iba’t ibang food and cosmetics products kabilang ang skin-whitening soap, toner, cream and sunblock na nakompiska nila na tinatayang may halagang P6.1 milyong piso.
Ang mga produktong ito ay madalas matagpuan sa mga beauty spa, salon at cosmetics clinics.
Hindi lang ‘yan ang kanilang produkto, mayroon pang glutathione drip, collagen drip, capsule and slimming products at whitening and slimming juice and detox coffee.
Dahil maraming Pinoy ang banidoso, maraming pumapatol sa mga ganitong clinics, spa at salon.
Basta kapag sinabing pampaganda, pampakinis, pampabata, asahan ninyo, nagkakandarapa ang mga Pinoy sa ganyang produkto.
‘Di bale nang walang kain (ganyan ang pag-unawa sa diet) para mag-slim, basta ang importante may pang-maintenance para sa beauty kuno.
Kailan kaya matututo ang mga Pinoy na ang ganda ay wala sa mga ipinapahid, ipinupunas, isinasalpak na kung ano-anong produkto na hindi nakikilala lalo na ‘yang hindi pala aprobado ng FDA.
Kundi nasa tamang pagkain ng prutas, gulay, protina at iba pang masusustansiyang pagkain. Kasunod niyan siyempre ang kabutihang loob at malinis na konsensiya at budhi.
‘Yan ang kusang lumalabas sa aura ng isang tao, kaya kahit saang anggulo pa tingnan laging may mababakas na kagandahan.
Kaya bilib tayo kay FDA-REU chief, ret. Gen. Allen Bartolo, dahil mulat siya sa kanyang ginagawa. Alam niya na hindi nakatutulong sa mga mamamayan ang nasabing mga produkto.
Kudos Sir Gen. Bartolo!
BIR ACCREDITATION
PARA SA IMPORTERS/BROKERS
TINANGGAL SA REKESITOS
NI COMMISSIONER SID
GOOD news para sa mga importer at brokers.
Hindi na rekesitos sa Bureau of Customs (BoC) ang Importer Clearance Certificate (ICC) at Broker Clearance Certificate (BCC) mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa kanilang accreditation.
Naniniwala si Customs Commissioner Isidro Lapeña na ang bagong policy ay tuluyang ‘lulusaw’ sa mga consignee-for-hire ganoon din sa fly-by-night importers and brokers.
Sa ilalim din ng bagong patakaran, nililimitahan na ang awtorisadong kinatawan ng customs brokers na puwedeng makipagtransaksiyon sa bureau.
Ang mga bagong patakaran na ito ay nakapailalim sa Customs Memorandum Order (CMO) 5-2018 na nilagdaan ni Commissioner Lapeña, at opisyal na itinala ang documentary requirements para sa accreditation ng mga custom brokers and importers.
Kaya para sa new importers kailangan nilang magsumite ng application form sa BoC Accounts Management Office (AMO), isang affidavit na nagtatalaga ng awtorisadong signatories sa import entries, dalawang valid IDs, clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI), registration sa BIR, mayor’s permit, at income tax return sa huling tatlong taon.
Kailangan din nilang ipasa ang pinakabagong company information sheet, company profile, personal profile ng applicant o ng responsableng officers, address ng warehouse, proof of lawful occupancy, list of importables, printed Client Profile Registration System (CPRS) notification, at endorsement mula sa collector.
Para sa mga importer na magre-renew ng kanilang accreditation sa BoC, kailangan nilang magsumite ng updated general information sheet, company profile, address of warehouse, proof of lawful occupancy, updated letter of intent, CPRS notification, income tax return at mayor’s permit.
Sa kabilang banda, ang licensed brokers na nag-a-apply ng accreditation ay kailangan magsumite ng kanilang application form, valid card mula sa Professional Regulation Commission (PRC), list of clients and representatives, CPRS notification, BIR registration, income tax return, NBI clearance, at certificate of good standing mula sa PRC-accredited organization for brokers.
Ganoon din sa accredited customs brokers na magre-renew ng kanilang accreditation.
Nauna rito, iniutos ni Lapeña sa BoC AMO na mag-facilitate ng accreditation ng stakeholders at iklian ang processing time mula sa dating dalawang buwan ay gawin itong limang araw.
Sinusugan ito ng Department of Finance (DOF) sa pamamagitan ng Department Order 11-2018, na nag-uutos ibalik ang awtoridad sa BoC para sa akreditasyon ng register brokers and importers sa layuning maging simple at mabilis ang proseso.
Ang Boc naman ang magdadala sa BIR on a quarterly basis ng listahan ng approved and accredited customs brokers and importers para sa post-accreditation validation of tax compliance.
Sa utos na ito ng DOF, ang commissioner lamang ng BoC ang may solong awtoridad para mag-aproba at mag-disaproba ng aplikasyon, suspensiyon, rebokasyon, kanselasyon, at reaktibasyon ng akreditasyon ng importers at customs brokers.
Sa palagay natin ay magpapalakpakan ang mga tao sa Customs sa bagong utos na ito ni Commissioner Lapeña.
Malaking kaalwanan ang limang araw na akreditasyon mula sa dating inaabot nang dalawang buwan at pabalik-balik pa ang mga aplikante o ang mga kinatawan nila.
Mabuhay ka Commissioner Sid!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap