PATAY ang tatlong bata makaraan matupok sa sunog ang kanilang bahay sa Pasig City, nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang mga biktimang sina Princess Joy Navidas, 7; John Andrew Navidas, 4, at BJ Navidas, 2, residente sa San Isidro St., Centennial 2, Nagpayong 2, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, umalis sa kanilang bahay ang ina ng mga biktima dakong 6:27 ng umaga upang bumili ng pandesal.
Gayonman, iniwan niyang nakabukas ang stove habang nagpapakulo ng tubig.
Nang siya’y bumalik nasusunog na ang kanilang bahay.
Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng Pasig Bureau of Fire Protection at iba pang fire volunteers, naapula ang sunog dakong 6:53 ng umaga.
Sa clearing operation, natagpuan ang nasunog na bangkay ng magkakapatid.
Dalawang bahay ang natupok sa sunog na inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng sanhi at halaga ng napinsalang mga ari-arian.