PUMANAW na si dating Senador Edgardo Angara sa gulang na 83, kinompirma ng kanyang anak na si Sen. Sonny Angara nitong Linggo.
Sa kanyang social media account, sinabi ng nakababatang Angara na ang kanyang ama ay pumanaw “from an apparent heart attack.”
Natapos ng nakatatandang Angara ang kanyang Bachelor of Laws degree noong 1958 sa University of the Philippines (UP), at kalaunan siya ay nagsilbi bilang pangulo ng unibersidad mula 1981 hanggang 1987.
Nagtapos din siya ng Master of Laws sa University of Michigan sa Estados Unidos.
Nagsimula ang public life ni Angara nang siya ay maging delegado ng 1971 Constitutional Convention, at iniakda niya ang constitutional provisions katulad ng proteksiyon sa public domain mula sa pang-aabuso ng developers.
Siya ay naging senador mula 1987 hanggang 1998, at nagsilbi bilang Senate President mula 1993 hanggang 1995.
Si Angara ay naging lead proponent ng Free High School Act, Government Assistance To Students and Teachers In Private Education Act, Magna Carta for Health Workers, Breastfeeding Law, at iba pa.
Noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, naupo siya bilang opisyal ng Agriculture department mula 1999 hanggang 2001, at maikling panahong naging Executive Secretary noong 2001.
Bumalik si Angara sa Senado noong 2001 hanggang matapos ang kanyang pang-apat na termino noong 2013.
Noong Mayo 2017, siya ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang special envoy to the European Union.