NAKALIGTAS ang isang Cebu town mayor na tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na kabilang sa “narco-generals” sa ambush nitong Linggo.
Si dating police chief superintendent at ngayon ay Daanbantayan town Mayor Vicente Loot ay tinambangan kasama ng kanyang driver, mga anak at kasambahay dakong 7:30 ng umaga sa Brgy. Maya.
Kinompirma ng pulisya na si Loot ang puntirya sa nasabing ambush.
Ngunit hindi tinamaan ng bala si Loot habang sugatan ang kanyang driver na isinugod sa pagamutan.
Magugunitang sa pagbisita ni Duterte sa headquarters ng Philippine Army 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela noong Setyembre 2016, sinabi niyang ang pangalan ni Loot ay “all over” sa final report hinggil sa pagkakasangkot ng government officials sa illegal drugs.
“Kagaya si Loot sa Region 1 nandiyan ang pangalan niya. General Loot nandiyan sa Region 2, Region 3, Region 4. What does that mean? Whenever he was assigned he was into drugs, that is what it means,” pahayag ni Duterte.
Itinanggi ni Loot ang sinasabing pagkakasangkot niya sa illegal drug trade.
“FYI (for your information), I was never assigned to Regions 1, 2, 3, and 4 or to any juicy position or command that deals with anti-drug operations from graduation in 1982 until my assignment with Regional Anti-Narcotics Unit 7 (RANU7) based in Cebu for two years from 2000 and 2001 only,” aniya.
LA UNION EX-SOLON,
2 BODYGUARDS
PATAY SA RATRAT
PATAY ang isang dating congressman at kanyang dalawang bodyguard makaraan pagbabarilin sa Agoo, La Union, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ng mga pulis ang biktimang dating mambabatas na si Eufranio “Franny” Eriguel, dating kinatawan ng La Union Second District.
Ayon sa ulat, si Eriguel at kanyang dalawang bodyguard ay napatay sa ambush sa Brgy. Capas sa bayan ng Agoo, 7:00 ng gabi.
Agad binawian ng buhay sa insidente si Eriguel bunsod ng apat tama ng bala sa katawan. Habang walong iba pa ang nasugatan sa insidente.
Ang dating congressman ay nakaligtas sa bomb attack sa San Fernando City noong 2016.
Apat katao lulan ng back-up vehicle ng convoy ng dating congressman, ang nasugatan sa pag-atake.
Ngunit si Eriguel na lulan ng hiwalay na sasakyan, ay nakaligtas sa insidente.
Ang dating congressman ay isang doctor. Dalawang termino siyang nagsilbi sa House of Representatives.
Ang misis niyang si Sandra Eriguel, ay kasalukuyang La Union 2nd District representative sa Kongreso.
KANDIDATONG
KAPITAN
SA MASBATE
ITINUMBA
PATAY ang isang kandidato bilang barangay captain makaraan siyang tambangan ng dalawang lalaki sa Baleno, Masbate nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Roberto Morado, residente sa Brgy. Gabi, Baleno.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Baleno MPS, pauwi si Morado at kasama ang asawang si Gloria Morado nang tambangan sila sa Brgy. Batuila, 4:00 ng hapon.
Makaraan ang pamamaril, hinampas ng baril sa bandang batok si Gloria ng isa sa mga suspek at umalis na parang walang nangyari.
Agad binawian ng buhay ang biktima dahil sa rami ng tama ng bala sa katawan at mukha.
Politika ang naiisip ng pamilyang motibo sa pagpatay.
Ayon sa kanila, maprinsipyo si Morado kaya matindi umano ang galit ng nakabangga niyang politiko na minsan na rin siyang pinagbantaan.
Samantala, itinatanggi ng nakaupong kapitana ng Brgy. Gabi na si Norma Manlapaz na may kinalaman siya sa pagpaslang kay Morado.
Giit ni Manlapaz, maayos ang samahan nila ni Morado at wala silang pinag-awayan ng biktima.
Sinabi niyang nasa tanggapan siya ng Commission on Election nang maganap ang insidente.