ANIM katao ang namatay na kinabibi-langan ng apat na bata, at dalawang nanay, nang hindi makalabas sa nasunog na lumang residential building sa Brgy.Tambo, Parañaque City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Magkakasamang natagpuan sa ground floor ang bangkay ng tatlong biktimang sina Marie Joy De Jesus, 28, at mga anak niyang sina Jomarie Canaria, 6, at Daniel Luis Canaria, 10-anyos.
Gayondin ang pamangkin ni De Jesus na si Ana Dona Agrasada, 23, at mga anak na sina Jake Amata, 6, at Jake Angelo Amata, 3, pawang residente sa Quirino Ave., Brgy. Tambo ng lungsod.
Dalawa ang nasugatan na hindi na pinangalanan.
Ayon kay Parañaque Fire Marshal Supt. Robert Pasis, sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog pasado 6:00 pm sa 53-anyos Bahay na Bato na may tatlong palapag sa Quirino Avenue.
Nagsimula ang sunog sa unit na tinitirhan ng pamilya Agrasada na sinabing naglalaro ng posporo ang dalawang bata.
Sa tindi ng lakas ng apoy ay bumagsak ang ikalawang palapag ng gusali kasama ang anim na biktima, na pinaniniwalaang hindi nakalabas dahil sa makipot na daan.
Ayon kay Supt. Pasis, nahirapan silang apulain ang apoy dahil makipot ang daan at napaliligiran ng mga barong- barong ang gusali.
Natagpuan ng mga bombero ang bangkay ng mga biktima dakong 10:00 pm makaraan ideklarang fire-out ang sunog na umabot sa ikatlong alarma.
Ayon kay Marlon Agrasada, 30, nasa trabaho siya nang mabalitaan niyang nasusunog ang kanilang bahay.
Sa impormasyong nakuha ng arson investigators, 1965 pa itinayo ang gusali at dapat ay wala nang nakatirang mga residente ngunit tinirahan ng informal settlers na nagtayo ng mga barong-barong.
Sa kabuuan, 400 katao na naninirahan sa gusali ang naapektohan ng sunog.
Napag-alaman, ikatlong beses nang nasunog ang gusali sa nakalipas na sampung taon.
Pansamantalang dinala sa covered court at sa barangay hall ang mga residenteng naapektohan ng sunog na inaasahang tutulungan ng pamahalaang lokal ng Parañaque.