SALUDO tayo sa ginawa ni Madam Wanda Teo, kusa na siyang nag-resign at hindi na siya nakipaggitgitan pa kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Sabi nga kapag may nagsarang pinto, mayroong magbubukas na bintana. Baka ‘yun na ang mas malaking suwerte kay Madam Wanda.
Ipinauubaya na rin ni Madam Wanda ang lahat sa isasagawang imbestigasyon ng Ombudsman nang sa gayon nga naman ay malinis ang kanyang pangalan kung silang mag-uutol ay wala naman talagang kinalaman.
Sa isang banda, napakapositibo naman ng pagsalubong kay outgoing Agriculture undersecretary Berna Romulo Puyat bilang bagong Tourism Secretary.
Marami ang natuwa at pumabor sa appointment sa kanya ng Pangulo.
Ultimo Senado, welcome na welcome si Madam Berna.
Umaasa tayo na sa pagpasok ni Ma’m Berna ay maisusulong ang tunay na diwa ng turismo na nakaugat sa promosyon ng bansang Filipinas bilang isang bansa na mayroong mayamang kasaysayan, may mga mamamayan na masisipag at masisikhay, nagtatanggol sa kalayaan, lumulupig ng kaaway at namamatay para sa bayan.
May promosyon ng kultura sa iba’t ibang porma at kahulugan ng sining gaya ng ginagawa ng iba pang bansang Asyano.
At hindi lang sana sa dayuhang turista magtuon ang Department of Tourism (DOT), dapat, tayong mga Filipino mismo ay mulat sa ating lahi, kultura at kasaysayan.
Dapat magkaroon ng programa ang DOT na hihikayat sa ating mga kababayan na bago lumabas sa ibang bansa ay libutin muna ang sariling bayan.
At mangyayari lang ‘yan kung magiging mura at affordable ang promosyon ng iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Hindi ba’t ganyan ang ginagawa ng ibang bansa, hinihikayat nila ang kanilang mga kababayan na kilalanin muna ang sariling bayan bago mamasyal sa ibang bansa.
Kaya naman ang yabong-yabong ng turismo (local tourist) sa Taiwan, sa Hong Kong, sa China, at sa iba pang Asyanong bansa.
Sa totoo lang, ultimo mga lokal sa Luzon, Visaya at Mindanao ay hindi pa nalilibot ang kabuuang isla na kanilang sinilangan.
Sa Metro Manila lang, marami pang bata ang ignorante sa kasaysayan ng lungsod na kanilang tinitirahan.
Kaya dapat pong maipatimo sa kaisipan ng bawat Filipino na ang turismo ay hindi simpleng pamamasyal kundi pagkilala sa kasaysayan, kultura, at lahi.
Kung mismong mga Filipino ay magiging mulat sa layunin ng turismo palagay natin ay madaling-madali na ang panghihikayat sa mga dayuhang turista na mamasyal o sa ating bansa.
Anyway, walang duda na kayang-kaya ‘yan ni Secretary Berna…
Pero kuwidaw Madam, kaiingat kayo sa paligid ninyo. Lalo na sa iilan na kabago-bago pa lang pero mabilis na nagbabago ang sizes ng wardrobe.
Masyado nga sigurong masagana ang kanilang ‘pagtuturista’ sa loob ng tanggapan ng DOT.
Kaya kailangan n’yo silang kilalaning mabuti.
Baka nga ilan sa kanila pa ang nagligwak kay Madam Wanda.
Aruykupo!
Huwag na huwag na kayong papayag maulit sa inyo ang naranasan ni Madam Wanda.
Goodluck, Madam Berna!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap