KALABOSO ang mag-amang Hapon dahil sa inireklamong pag-abuso sa 13 kabataang kapwa nila Hapon sa Samal Island.
Arestado ang mag-amang sina Hajime, 61, at Yuya Kawauchi, 35, at ang kanilang kasambahay na si Lorena Mapagdalita, 56-anyos.
Ayon sa ulat ng pulisya nitong Martes, umaabot sa 13 menor de edad na Japanese national ang inabuso umano ng tatlo sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte.
Nabatid na ini-report umano ng mga suspek na nawawala ang ilang menor de edad na dating nasa training school nila sa Toril Babak district.
Nang magpunta ang mga pulis sa paaralan, nilapitan sila ng iba pang menor de edad na nasa paaralan. Tumakas umano ang ilan nilang kasama dahil sa pagmamaltrato sa kanila.
Base sa imbestigasyon, nangako ang mga suspek sa mga magulang ng mga menor de edad na pag-aaralin ng Ingles at martial arts ang mga anak sa Filipinas.
Bayad na umano ang tuition fee ng mga estudyante, at nagpapadala ang kanilang mga magulang ng P100,000 kada buwan bilang allowance.
Ngunit P2,000 lang ang napupunta sa mga menor de edad.
Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawang dayuhang suspek.
Habang ang inarestong Filipina ay iginiit na wala siyang ginagawang mali.
Mahaharap ang tatlo sa reklamong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Discrimination and Exploitation.
Ang mag-amang Kawauchi ay mahaharap din sa reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.
Ang apat menor de edad na naunang tumakas, ay nasa Embahada na ng Japan.
May siyam na nailigtas ang mga awtoridad sa paaralan at nasa kustodiya na ng DSWD.