LUMABAS din naman sa publiko ang isang sulat mula kay Myra Santos, na nagpakilalang ina ng 17-anyos na si Eleila Santos, na tinawag ni Ellen Adarna na isang paparazzi, dahil kinukunan daw sila ng video ni John Lloyd Cruz nang palihim. Gumawa pa ng internet video si Ellen na diretsahan niyang inakusahan si Eleila ng ”invasion of privacy.”
Sinagot naman ni Eleila ang akusasyon ni Ellen, at sinabing talagang kumukuha siya ng video pero hindi si Ellen ang kinukunan niya kundi ang kanilang pagkaing kakainin, dahil isang restaurant iyon. Sinabi rin ng bata na hindi naman niya kilala si Ellen, kaya bakit siya magkakaroon ng interes na i-video iyon. Hindi niya kilala sa mukha si Ellen.
To be honest about it Tita Maricris, ako man siguro eh, makasalubong ko sa isang lugar iyang si Ellen Adarna hindi ko rin makikilala. Hindi pa naman kasi ganoon ka-popular ang kanyang hitsura kahit na nag-artista na siya.
Anyway, ang claim ngayon niyong si Mrs. Santos, ang ginawa ni Ellen ay naging dahilan para ang kanyang menor de edad na anak ay magkaroon ng masamang saloobin. Hinihingi niya na gumawa ng isang public apology si Ellen sa loob ng limang araw, at kung hindi, ipaghaharap nila iyon ng kaso sa korte.
Panindigan lamang ng bata na talagang hindi naman niya kilala si Ellen, at dahil menor de edad nga pala siya, may tulog ang female star na buntis, o nanganak na nga ba?
Iyan ang sinasabi naming danger ng mga artistang tipa nang tipa ng kung ano-ano sa social media. Minsan natatangay sila ng kanilang emosyon, kung ano-ano ang kanilang nasasabi na later on ikapapahamak pa nila.
Ang pagsusulat, lalo na ang pamamahayag ay isang propesyon. Hindi dahil makasusulat ka sige na. Hindi dahil may venue ka, ang social media ay sige na. Kasi may responsibilidad na kasama ang lahat ng iyong isinusulat at ipinahahayag. Iyong mga blogger nakalulusot, hindi naman sigurado na pangalan nga nila iyon. Pero iyong artista, identifiable.
HATAWAN
ni Ed de Leon