INARESTO ng mga operatiba ng NBI-International Airport Investigation Unit (NBI-IAIU) ang tatlong human traffickers, at nasagip ang 137 babaeng biktima sa Pasay City, nitong Sabado.
Kinilala ni NBI Director Dante A. Gierran ang mga arestado na sina Patricia Lambino alyas Mommy, Rosie Lopez, at Marilyn Filomeno.
Ang tatlong suspek ay nadakip sa rescue operation base sa impormasyong natanggap ng NBI mula sa isang menor de edad na nai-turnover sa DSWD nitong 4 Mayo 2018. Ang nasabing 16-anyos menor de edad ay naharang ng Immigration Officers sa tangkang pagbiyahe patungo sa Riyadh, Saudi Arabia.
Nabatid sa imbestigasyon, ang menor de edad ay na-recruit sa kanilang bahay sa lalawigan ng Maguindanao. Nakakuha siya ng pasaporte sa tulong ng pamilya Muhammad, na inilagay na siya ay 23-anyos.
Aniya, siya ay nanatili sa isang apartment sa Tolentino St., Pasay City na inilaan ng Global Connect Manpower Resources, ang ahensiyang nag-facilitate ng kanyang deployment sa ibang bansa.
Binigyan siya ng recruitment agency ng sertipikasyon ng TESDA training at pre-departure seminar bagama’t hindi siya dumalo sa training at seminar.
Aniya, may kaibigan siyang menor de edad din na naroroon pa rin sa apartment at nakatakda nang i-deploy sa ibang bansa.
Base sa impormasyon at sa mahigpit na tagubilin ni Director Gierran, ang NBI-IAIU operatives, kasama ng mga kinatawan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at DSWD, ay agad nagtungo sa Pasay City para sagipin ang mga kababaihang biktima.
Natagpuan nila sa nasabing apartment ang 137 biktima na pawang babae. Mula sa nasagip, 25 sa kanila ang natuklasang mga menor de edad at nagmula sa mga lalawigan ng Maguindanao, Sultan Kudarat, Lanao Del Sur, at Cotabato.
Ang mga suspek ay dinala sa Department of Justice para sa inquest proceedings kaugnay sa paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) as amended by RA 10364 (Expanded Anti-Human Trafficking in Persons Act of 2012), at RA 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995).