IKINOKONSIDERA ng Department of the Interior and Local Government ang pagpapatupad ng lifestyle check sa barangay officials, na ilan ay maaaring nagpayaman ng sarili gamit ang pondo ng bayan, ayon sa isang opisyal nitong Lunes.
Sinabi ni Martin Diño, undersecretary for barangay affairs, ang DILG ay nag-compile ng listahan ng mga barangay na bigong magsumite ng kanilang imbentaryo ng money disbursements na iniuutos ng ahensiya. Aniya, ang DILG ay maghahain ng kaso sa nasabing mga opisyal.
“Ngayon, makikipag-tie up ako sa BIR (Bureau of Internal Revenue) para ngayon meron kaming memorandum of agreement para mapa-lifestyle check namin lahat ng barangay officials na talagang in a matter of years naging mayaman,” pahayag ni Diño.
“Alam naman sa barangay kung may negosyo ‘yan. Walang taong nakaaalam kung hindi ang kaniyang constituents,” aniya.
Sinabi ni Diño, dating barangay captain, dapat ibalik ng Commission on Audit ang mahigpit na patakaran sa pagpapalabas ng pera sa barangay officials.
Aniya, sa kanyang panunungkulan, mahigpit ang pagsusuri ng fiscal control at accounting departments at kailangan ng barangay council resolution bago ma-disbursed ang pera sa kanilang depository bank.
“Now, puwede kang ang kapitan at treasurer ay gagawa lang ng certification, mailalabas ang milyon-milyong pera ng barangay easily… ngayon, wala pang project, nasa bulsa na ni kapitan at treasurer ‘yung pera,” aniya.
“Nagre-request kami sa COA na ibalik nila sa dati dahil prone to corruption ito. Marami nang nagkakaso na ang treasurer ay itinakbo ang pera,” dagdag niya.