MUKHANG tuluyan nang gumuho ang pundasyon ng Federalismo na isinusulong ng PDP-LABAN, ang partido ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, sinabing 66 porsiyento ng mga Filipino ay hindi pabor na palitan ng federalismo ang kasalukuyang sistema ng gobyerno.
Sa survey na ginawa noong 23-28 Marso, lumitaw na 66 porsiyento ng mga tinanong ang tutol palitan ang kasalukuyang sistema ng pamamahala sa gobyerno.
Umabot sa 36 porsiyento ang tutol sa pagpapalit ng sistema, habang 30 porsiyento ang tutol ngayon ngunit posibleng magbago ang isip sa ibang panahon.
Nasa edad 18 pataas ang 1,200 katao na tinanong sa survey na mayroong plus at minus 3 percent na margin of error margin.
Maging ang mga taga-Mindanao, mayorya ang nagpahayag na hindi sang-ayon na gawing federalismo ang sistema ng gobyerno.
Alam naman nating lahat na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte, at kaniyang mga alyado sa pangunguna nina Senate President Koko Pimentel at Speaker Pantaleon Alvarez, ang pagbabago sa Saligang Batas para mapalitan ng federalismo ang sistema ng gobyerno.
Ang tanong kasi: may pagpipilian ba talaga ang mamamayan?!
Parang wala naman, kasi hindi nga gumugulong ang pagpapaliwanag sa mamamayan kung ano ang federalismo na gusto nilang isulong.
Isa pang tanong, nasaan na si CabSec Jun Evasco? Kung hindi tayo nagkakamali, si CabSec lang ang maaasahan ni Digong sa ganyang gawaing nitty-gritty at mass organizing.
Siya lang din ang may kakayahang buuin ang buong puwersa ni Digong na may kakayahang magpaliwanag sa mamamayan kung ano ang federalismo.
Dahil marami sa mga nakapaligid kay Digong, ang kailangan lang nila ay makasingit sa seat of power at higit sa lahat wala silang kakayahang mag-organisa at magpaliwanag kung ano ang federalismo.
Kaya magtataka pa ba tayo kung tablado sa sambayanang Filipino ang federalismo?!
E mismo ngang ‘yung sigaw nang sigaw ng federalismo hindi naiintindihan ‘yun ‘e.
Aber?!
SAP BONG GO
AYAW TUMAKBO
SA SENADO
AYAW naman palang tumakbo sa Senado ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go.
Ang tanong: Ayaw ba talaga ni SAP Bong o dahil mababa ang showing niya sa survey kaya sinasabi niyang ayaw niya?!
Hindi naman kaya tulak ng bibig, kabig ng dibdib ‘yan, SAP Bong?!
Kunsabagay, ang obserbasyon natin, mayroon lang ilang nagmamagaling at tumotosgas sa umpisa para ibuyo si SAP Bong.
Siyempre kapag naibuyo nila si SAP Bong, pirmi silang didikit at tiyak pirming paldo ang mga bulsa nila.
Hindi galing kay Sap Bong ang ilalaman sa bulsa nila kundi doon sa mga kakausapin nilang maging ‘baka’ ni SAP.
At dahil sila lang ang kausap… alam na!
Kaya nga sila lang ang atat na atat na tumakbo si SAP.
SAP Bong, huwag mong kalilimutan ang kasabihan: “Kung mayroon kang kagalit, itulak mong pumasok sa politika, tiyak ‘yun nakaganti ka na!”
Kaya kaiingat ka SAP Bong sa mga sulsol nang sulsol sa iyo na pumasok sa politika.
Tiyak ‘yun na wala silang mabuting layunin sa iyo sa halip gusto ka nilang ibulid sa kapahamakan.
Alam na!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap