RUMESBAK kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chief, Atty. Martin Delgra III ang sinibak niyang Bicol regional director na si Jun Abrazaldo.
Pag-abuso sa kapangyarihan at proteksiyon sa kompanya ng bus na lumabag sa batas ang inihaing reklamo ni Abrazaldo laban kay Delgra sa Office of the Ombudsman.
Si Abrazaldo ay sinibak ni Delgra batay sa isang ulat umano mula sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na hindi maipaliwanag ng huli kung ano ang nilalaman ng ulat laban sa una.
Naniniwala si Abrazaldo, na sinibak siya ni Delgra dahil gusto nitong pakialaman, katunayan ay tinawagan pa siya, ang kaso ng Decker Cargo Logistics Corp. (DCLC) at Super Five Bus Transport Inc. (Super Five).
Tahasang sinabi ni Abrazaldo, nanghimasok si Delgra, nang iniimbestigahan ng LTFRB regional office ang DCLC nang ang isang truck nito ay masangkot sa isang insidente na nakapatay ng tatlong tao at naka-pinsala ng ibang truck na hindi sa kanila.
Bukod dito, nanghimasok din umano si Delgra nang arestohin ng LTFRB Bicol ang apat na yunit ng Super Five dahil hindi ito nakarehistro.
Hindi lang text messages, ipinatawag pa umano ni Delgra si Abrazaldo dahil sa kaso ng Super Five.
Upang magkalinawan, pumunta umano si Abrazaldo sa patawag ni Delgra pero nagulat siya nang pagsabihan siyang: “‘Di ko alam kung talagang gago ka o hindi ka makaintindi.”
Ramdam na ramdam umano ang galit ni Delgra kay Abrazaldo dahil literal at pisikal siyang ‘pinaalis’ sa kanyang opisina ni Delgra kasama ang mga sundalo at mga operatiba ng PNP Special Weapons and Tactics Team.
Naniniwala si Abrazaldo, na ang ginawag pagsibak sa kanya ni Delgra ay hindi dumaan sa tamang proseso at kuwestiyonable ang ginamit na basehang ulat umano galing sa NICA noong 27 Disyembre 2017.
Hindi umano masabi ni Delgra kung ano ang ulat laban kay Abrazaldo. Kung ito ay tungkol sa korupsiyon dapat nga naman itong imbestigahan.
E ano ba talaga, LTFRB chief, Atty. Delgra?!
Ano ba talaga ng dahilan kung bakit sinibak ninyo si LTFRB Bicol chief?
Ano ang katotohanan sa likod ng akusasyon na kliyente ninyo ang nasabing mga kompanya ng transportasyon?!
Hindi kaya conflict of interests ‘yan, Atty. Delgra?!
Kailangan ninyo ngayong ipaliwanag ‘yan sa Ombudsman…
Kung hindi ninyo maipapaliwanag kung bakit nanghihimasok kayo sa kaso ng isang truck company at isang bus company, ibig bang sabihin ni-yan ay itinataya ninyo ang inyong lisensiya bilang abogado?!
Paki-explain na nga po, Atty. Delgra…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap