WALANG matinong trabahong maibibigay ang kasalukuyang pamahalaan kung kaya’t malabong sundin ng mga migranteng manggagawang Filipino sa Kuwait ang panawagan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na umuwi na lamang sa Filipinas.
Ang panawagan ni Digong ay bunga na rin ng lumalalang alitan ng Filipinas at Kuwait matapos ang ginawang rescue ng Philippine embassy sa isang domestic helper na inabuso ng kanyang Kuwaiti employer.
Kasunod nito, pinalayas ang ambassador ng Filipinas ng pamahalaan ng Kuwait, at ang dalawang staff ng Philippine embassy ay inareto bunga na rin ng rescue incident. Ang ambassador ng Kuwait sa Filipinas ay lumisan na rin sa bansa dahil sa nangyari.
At sa komplikadong hidwaang nagaganap sa pagitan ng Filipinas at Kuwait, mukhang sablay ang panawagan ni Digong na pabalikin na sa bansa ang lahat ng overseas Filipino workers na nasa Kuwait, dahil kung tutuusin wala naman talagang maayos na trabahong maiaalok o maibibigay ang pamahalaan natin.
Unang-una, ‘di hamak na mataas ang sahod ng domestic helpers sa Kuwait kung ikokompara sa mga kasambahay natin na namamasukan dito sa Filipinas. At gaano katotoong mabibigyan lahat ni Digong ng trabaho ang mahigit 260,000 manggagawang nasa Kuwait kung babalik sila rito?
Simple lang naman talaga ang argumento ng bawat Filipino, hindi sila aalis ng Filipinas kung mayroong magandang oportunidad sa ating bansa, kaya nga nagpapakatulong ang mga kababayan natin sa ibang bansa, hindi lamang sa Kuwait, ay dahil walang trabaho rito.
Ang kailangan ngayon ng Filipinas ay diplomasya! Hindi ito panahon para sa isang matapang na posisyon dahil kahit saang anggulo tingnan ay mali ang ginawa ng embahada ng Filipinas na direktang nagsagawa ng pag-rescue sa isang OFW na inaabuso ng kanyang amo.
Mano bang, nakipag-coordinate muna sa Kuwaiti government at ipinaalam ang kagyat na kahalagahan ng kanilang pagsama para sa isang rescue operations dahil sa patuloy na ginagawang pang-aabuso ng employer sa isang Pinay domestic helper.
At hindi natin tinatawaran ang sinseridad ni Digong sa kanyang panawagang umuwi ang lahat ng OFWs dito sa Filipinas, pero dapat ay mayroong realidad ang ihahaing alternatibong solusyon ng pamahalaan sa lahat ng uuwing OFWs mula sa Kuwait.
Ang dapat gawin ng pamahalaan ay mahigpit na koordinasyon sa mga kinauukulan ng pamahalaan ng Kuwait. Higit na bantayan ang kapakanan ng OFWs partikular ang domestic helpers sa Middle East para masiguro na ligtas sila sa kanilang pinagtatrabahuan.
Uulitin lang natin, walang Filipino na magtatarabaho sa labas ng bansa at iiwan ang kanyang pamilya rito kung mayroong magandang oportunidad dito sa Filipinas.