ALAM nating mabuti ang layunin ng checkpoint na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec) tuwing eleksiyon.
Bahagi ito ng pagpapatupad ng mahigpit na seguridad para sa malinis at maayos na eleksiyon.
Para matiyak na napapangalagaan ang kapakanan ng mga botante at protektado ang sagradong boto.
Pero ang ikinalulungkot natin dito, mayroong ilang PNP officials na ginagamit na pampapogi ang checkpoint.
Pupuwesto kunwari sa checkpoint sabay pa-video. E bakit kapag walang eleksiyon, walang checkpoint?!
Nagbabago ba ang panahon sa Metro Manila kapag may eleksiyon at walang eleksiyon?!
Ang ikinaiigi lang kapag may checkpoint, naoobliga ang mga pulis na ‘tago nang tago’ na lumutang.
Hindi naman kasi puwedeng nagpapa-checkpoint ang isang police district tapos lahat ng pulis niya nasa labas, wala nang natira sa headquarters, sa estasyon o sa PCP.
At dahil ‘nagkukulang’ ang mga pulis, naoobligang lumutang ang mga ‘lubog’ o ‘pribilehiyadong’ pulis dahil kung hindi tiyak na mapuputukan ang mga hepe nila.
Korek na may malaking tsek! Tanging hepe lang ang may kontrol sa mga lubog na pulis. Mahirap sila hanapin kapag kailangan ng reinforcement pero kapag malalagay sa bingit ng alanganin ang mga hepe nila biglang magsisilutanagan.
Ang nakatatawa rito, hindi lang mga ‘lubog’ o ‘pribilehiyadong’ pulis ang lumulutang kapag may checkpoint, pati mga hepe, district director at iba pang police official na gustong umepal.
Pagkatapos makuhaan ng camera man at ng ibang taga-media, bigla rin nawawala ang mga opisyal at mga pulis sa checkpoint.
Kung ang ultimong layunin ng Comelec ay malinis, maayos at payapang eleksiyon, ang mga lespu naman lalo ang mga opisyal ay ‘papogi’ lang.
Ang medyo nakatatakot pa, ginagamit sa pananakot at pangingikil ang checkpoint lalo na kung ang mga nasisitang motorista ay may problema sa papeles at asal sa pagmamaneho.
Simple lang ang punto natin, gampanan nang maayos ng pulisya ang Comelec checkpoint. Huwag gamitin sa pangingikil at huwag gamitin sa pagpapapogi.
Ayaw ni incoming PNP chief, General Oscar Albayalde nang ganyan!
MONOPOLYO
SA TRANSPORT
NETWORK VEHICLE
(TNVs) DAPAT
PUTULIN HABANG
MAAGA
HINDI pa man lubusang natitigil ang operasyon ng Uber, isang kompanya ng transport network vehicle (TNVs) dahil ipinagbili na nga sa Grab, kakompetensiyang TNVC, ang kanilang prankisa, heto’t kabi-kabila na ang natatanggap nating reklamo ng pang-aabuso.
Parang ‘zombie’ na bumabangon ang mga dating reklamo laban sa mga taxi driver sa TNVC ngayon.
Unang pang-aabuso, mataas na surcharge ng Grab. ‘Yung surcharge po ay ‘yung dagdag pasahe sa regular rate kapag mataas ang demand ng pasahero. Sinasamantala ito ngayon, kasi nga wala nang kakompetensiya ang Grab.
Ikalawa, kukunin ng Grab ang pasahero pero kapag biglang pumasok ang request na mas malayo at mas malaki ang pasahe, ika-cancel ang unang pasahero.
Sa Uber, kung sino ang unang nag-cancel, pagmumultahin ng P100. Sa Grab walang ganoong sistema.
Sa Uber, hindi malalaman ng driver ang destinasyon at halaga ng pasahe hangga’t hindi niya naisasakay ang pasahero at hindi inuumpishan ang biyahe.
Sa Grab, hindi pa nakukuha ang pasahero, alam na ng driver kung saan pupunta at magkano ang aabutin ng pasahe.
Noong umiiral pareho ang Uber at Grab bilang magkakompetensiyang TNVC, masidhi ang pakikipagkompetensiya ng Grab. Pero ngayong malapit nang mawala ang Uber at sosolohin na ng Grab ang sistema ng TNV, lumalabas na ang sungay ng Grab drivers.
Wattafak!
Nawalan na naman ng proteksiyon ang TNV passengers. Ano ang gagawin ng LTO at LTFRB?! Kaya ba nilang disiplinahin ang TNVCs?!
Huwag na ‘yung LTO at LTFRB, ‘yun bang mismong TNVC ay kayang displinahin at suhetohin ang kanilang franchise holders?!
Anyway, sa totoo lang, kaya lang naman ito pinoproblema ng mga pasahero dahil ‘bulok’ nga ang mass transportation system sa bansa.
Kung maayos ang land transportation system sa bansa, hinding-hindi yayabong dito ang TNVC.
Hintayin ninyong magtagumpay si Transport Secretary Art Tugade sa mga proyekto at assignment na iniatang sa kanya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, tingnan natin kung may tumangkilik pa sa mga abusadong katulad ninyo?!
Hindi ba’t ganyan ang nangyari sa taxi industry. Grabe ang abuso sa pasahero, hayan nang pumasok ang TNVCs, nangamote sila.
Unsolicited advice lang sa Grab, huwag kayong abusado!!!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap