TAHIMIK na nakabalik nang walang kalatis sa kanyang dating puwesto sa Maynila si Chief City Prosecutor Edward Togonon na matatandaang sinuspende ng Department of Justice (DOJ) noong nakaraang taon.
Wala nga yatang ipinagkaiba ang kapangyarihang taglay ng anting-anting ni ‘Nardong Putik’ sa bertud ng kasabihang:
“It’s not what you know. It’s who you know.”
Magugunitang si Togonon ay sinuspende ni DOJ Sec. Vitaliano Aguirre II dahil sa matagal na pagkakakulong ng apat na senior citizens sa headquarters ng Manila Police District (MPD) sa kaso ng ilegal na droga.
Isa sa apat na senior citizens ang matatandaang natepok sa loob ng selda habang nakakulong sa MPD headquarters.
Pero bukod sa nabanggit na kaso, si Togonon at ang dalawa pang opisyal sa Maynila na tumayong City Board of Canvassers ay respondent sa inihaing protesta ng kampo ni dating Mayor Alfredo Lim na nakatengga sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng malawakan at garapalang dayaan sa mayoralty race noong 2016 elections sa Maynila.
Si Togonon ay unang naitalaga sa puwesto bilang chief city prosecutor ng Muntinlupa sa umano’y pakiusap ng isang kilalang Tsinoy businessman sa Pasay City bago mapatalsik na pangulo si Estrada.
Sa rekomendasyon kay dating Pang. Noynoy Aquino ng kababayang Ilonggo na noo’y Senate president Franklin Drilon at ni Sen. Leila de Lima na dati niyang amo sa DOJ, si Togonon ay naitalagang chief prosecutor sa Maynila.
Ipinapalagay ang pagkakatalaga kay Togonon bilang premyo at kabayaran sa kanyang naipakitang katapatan kay De Lima at sa dating administrasyon kapalit ng kasong electoral sabotage na isinampa laban kay dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo noon.
Kasalukuyan pa tayong nakikibalita kung sino ang sinasabing lumakad at tumayong padrino para makabalik si Togonon sa Maynila.
Baka naman daw may nagmagandang loob lang na magpadulas ng banye-banyerang bangus para kay Togs na hinango pa sa mga lihim ng Guadalupe na palaisdaan sa Iloilo?
Pero ngayon pa lang ay marami nang botante sa Maynila ang nangangamba kung si Togonon at ang mga dating opisyal pa rin na may nakabinbing kaso sa Comelec ang mauupong mga miyembro ng CBC sa susunod na eleksiyon.
Hindi nga naman kasi imposible na muling maulit sa susunod na 2019 midterm elections ang malaking sabwatan at malawakang dayaan noong 2016 elections sa Maynila.
Paano magiging kapani-paniwala ang eleksiyon kung mantsado at may kaduda-dudang kredibilidad ang mga nilalang na mauupong miyembro ng CBC?
PETER LIM,
ESPINOSA
INABSUWELTO
NG DOJ
MALAKING dagok sa inilargang kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga ang pagkakaabsuwelto ng Department of Justice (DOJ) sa suspected at convicted illegal drugs traffickers na ilan ay kasama ang pangalan sa listahan na hawak ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte.
Ibinasura ng DOJ ang kaso laban kay Cebu-based businessman Peter Lim na mismong si Pres. Digong pa nga ang nagbulgar na kabilang ang pangalan sa hawak niyang listahan.
Absuwelto rin ang anak ni Albuera mayor Kerwin Espinosa na una nang umamin na kumukuha siya ng ilegal na droga mula kay Peter Lim.
Kasama sa mga inabsuwelto ng DOJ ang mga sentensiyadong drug trafficker na bilanggo sa New Bilibid Prison na sina Peter Co, Max Miro, Ruel Malindangan, Jun Pepito, Lovely Adam Impal at 12 pa.
Mabilis na dumepensa si Aguirre at sinabi na dapat magsilbing “wake-up call” ang pagkakaabsuwelto sa mga suspek dahil sa umano’y mahinang ebidensiya kaya’t nabasura ang kaso.
Minaliit din ni Aguirre ang epekto ng nabasu-rang kaso sa inilunsad na war on drugs ni Pres. Digong.
Napakahina palang ebidensiya ang pag-amin ni Kerwin Espinosa sa kaso laban sa kanya.
Kunsabagay, si Kim Wong ay inabsuwelto rin ng DOJ sa $81 million money laundering matapos magsauli ng maliit na halaga mula sa perang ninakaw sa Bangladesh Bank.
Hindi kaya mabansagang ‘selective’ kung ‘di man anti-poor ng mga kumakalaban sa administrasyon ang inilunsad na giyera ni beloved Pres. Digong laban sa ilegal na droga?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])