TOTOO man o hindi ang ipinarating na balita sa atin ay dapat paimbestigahan agad ng Philippine Embassy sa Tokyo ang raket sa umano’y pangongolekta ng pera sa mga Pinoy ng mga nagpapakilalang ‘DDS’ sa Japan.
Ipinangongolekta raw ng mga damuho ng kontribusyon ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) pati sa mga residenteng Pinoy na nakabase sa Japan na hindi naman mga OFW.
Sa pagkakaalam natin, ang OWWA ay may mandato lamang na mangolekta ng butaw sa mga OFW bago umalis ng bansa.
Kung gano’n, sino ang nagbasbas sa mga damuho na gumagamit sa pangalan ng OWWA at nagpapakilalang mga DDS para mangotong sa mga kapwa Pinoy natin sa Japan?
Bakayaro!
GURO GINIGIPIT SA LOAN
NG CITY SAVINGS BANK
CABANATUAN CITY, NE?
PINOPROBLEMA ng isang guro ang paglobo ng interes na sinisingil sa kanya na hindi tugma sa dapat niyang bayarang utang sa banko.
sang guro ang lumiham sa atin upang idulog ang kinakaharap na problema sa hinuhulugang cash loan o utang sa City Savings Bank ng Cabanatuan City sa Nueva Ecija.
Ayon sa lumiham na hindi muna natin papangalanan, ang sistema ng pagbabayad sa kanyang inutang ay “salary deduction” o pagkaltas sa kanyang buwanang suweldo bilang guro.
Narito po at basahin ang padalang liham sa email ng guro na ating natanggap kahapon, March 6, 2018:
“Magandang umaga po. idudulog ko lang po sana ang aking problema tungkol sa City Savings Bank dito sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Ako po ay guro sa public school sa Cabanatuan City at kasalukuyang nagtuturo dito sa Macatbong Elementary School. Nakapangutang po ako ng halagang 300,000 sa City Savings Bank nu’ng bagong pasok po ako sa public school dahil sa ito naman po ay salary deduction.
Pagkakuha ko po ng pera ay hindi agad nagbawas ang loan ko samantalang ang aking mga kasabayan ay nagsipagbawas na. Pinuntahan na po ako nu’ng account officer nila pero nagtaka lang po sila kung bakit ‘di ako nabawasan at ang sabi po ay mag-over the counter na lang daw ako.
‘Di po ako makapag-over the counter dahil ang usapan po ay salary deduction. Anim na buwan po ang nakaraan bago nag-deduct tapos po nu’ng magpalipat po ako ng eskuwelahan ay ‘di na naman po nag-deduct ng 6 na buwan. Pero inayos ng DepEd Region III na i-adjust ang hulog ko ng 1-year para masakto ‘yung kaltas.
Ngayon pong patapos na ako sa hulog ngayong June 2018, nagpapadala ang City Savings Bank ng demand letter na bayaran ko raw po ang balanse ko na P168,000.
Napakalaki pa po ng balanse ko samantala ilang buwan na lang ay dapat tapos na ako. Ilang ulit na po akong pinupuntahan ng account officers nila para mag-renew sa kanila. E ayaw ko na nga po dahil lubog na ako sa utang. Ilang beses po nila akong pinipilit mag-renew.
Nakausap ko rin ‘yung ibang kliyente nilang katulad ko na nag-over the counter, sila pa mismo ang kumukuha ng sobrang ibinabayad nila sa banko. Pahirapan daw po makuha ’yung over deduction nila kaya napipilitan silang mag-renew na lang.
Para silang scam na ipade-delay ang pagkakaltas sa regional office tapos ay pagbabayarin nila sa over the counter tapos pag nag-over deduction sila saka nila pinapupunta sa banko para makuha ang pera nila tapos pahirapan para mapilitan mag-renew ulit ung teacher.
Sobra-sobra ang penalty at interest na kinukuha ng banko na lalong nagpapalubog sa mga gurong tulad ko.
Salamat po nang marami kung matutulungan n’yo akong maimbestigahan din ang mga modus ng mga bankong ganito.
God bless po.”
Sinasadya ba ng banko na hindi kaltasin sa suweldo ang buwanang hulog sa utang para palobohin ang hindi tugmang halaga na katumbas ng interes na dapat bayaran sa kapital na inutang sa banko?
Ang pitak na ito ay bukas para sa paliwanag mula sa City Savings Bank ng Cabanatuan City sa ngalan ng patas na pamamahayag.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])