INIIMBESTIGAHAN daw ng Commission on Elections (Comelec) ang isang barangay na nabistong pugad ng “flying voters” sa Pasay City.
Kaduda-duda naman talaga kung paano naiparehistro sa Comelec bilang botante ang 1,458 residente na magkakapareho ang gamit na address ng tirahan.
Sa kabuuang bilang na nabanggit, 275 sa kanila ang rehistradong botante na pawang sa 2802 Taft Avenue ang gamit na address ng tirahan, ang mismong lugar na kinatitirikan ng LRT Gil Puyat station (dating Buendia).
Magkakaparehong ginamit ng 260 ang address na 2713 Zamora Street, ang mismong tirahan pala ng namumunong chairman sa Bgy. 97.
Umaabot sa 330 botante naman ang magkakapareho na isang masikip at maliit lamang na apartment sa Zamora Street ang ginamit na address.
Ang iba, na kung ‘di man nagbigay ng hindi matatagpuang address ng bahay, ay imposibleng magkasya ang dami ng bilang upang magkakasamang manuluyan sa maliliit lamang na gusali.
Buking na buking at siguradong magkakabuhol-buhol sa paliwanag ang Comelec kung paano nairehistro sa kanilang tanggapan ang ganyan karaming botante na magkakapareho ang gamit na address sa iisang barangay lamang.
Para na nating nakita, sa delaying tactics daraanin ng Comelec ang imbestigasyon hanggang sa lumamig at mabaon sa limot ang pugad ng flying voters na nabulgar
Kahit saang lugar – sa Metro Manila at sa buong bansa – ay may flying voters kaya’t nabababoy ang ating halalan at nawawalan nang saysay ang boto ng matitinong botante sa pagpili ng matitinong lider.
Balewala kasi sa makikitid ang utak na flying voters ang kinabukasan ng ating bansa at mamamayan kapalit ng barya-baryang kabayaran para sa pansarili nilang kapakanan.
Ang masaklap, kahit maliit lang ang bilang ng mga demonyong flying voters ay nalulupig ang pasiya ng matitinong botante sa pagpili ng matitinong kandidato kaya naman patuloy na naluluklok ang mga magnanakaw sa pamahalaan.
Karamihan sa flying voters ay pawang mga dayuhan lamang sa lugar na kanilang kinatatalaan bilang botante pero sila ang lumalabas na nagpapanalo sa mga kapwa nila walanghiyang kandidato na kampon ni Satanas.
Patunay lamang na walang ginagawa ang Comelec at posibleng kasabwat pa nga sa katarantadohang ito.
Mabuti na lang, wala pang opisyal at mga tauhan ng Comelec ang napabalitang inatake ng stroke na gumagalaw lang sa panahon ng eleksiyon.
Kahit minsan kasi ay hindi pa natin nabalitaan na kumilos ang Comelec para ipatupad ang mga batas sa ilalim ng Omnibus Election Code nang walang nagrereklamo para masiguro na magi-ging maayos, mapayapa at malinis ang mga halalan.
Madali namang purgahin ang flying voters sa listahan ng mga botante, lalo’t magkakapareho ang address na gamit, na dapat ay ginagawa ng Comelec sa panahon na walang nakatakdang eleksiyon.
Siyento porsiyentong may alam at hindi inosente ang chairman at mga kasamahang opis-yal sa barangay sa pagpaparehistro ng flying voters sa kanilang lugar na isang malaking krimen laban mamamayan.
Ang mga nadiskubreng flying voters na ‘yan sa Pasay ay hind dapat payagang makaboto sa nalalapit na barangay elections sa Mayo at sa mga susunod na eleksiyon.
Dapat ay kumilos din ang Department of Interior and Local Government (DILG laban sa incumbent officials ng Bgy. 97 sa Pasay City sa lalong madaling panahon at hindi sila payagang makatakbo sa nalalapit na barangay elections sa darating na Mayo.
Sa susunod nating kolum ang isang barangay na pugad din ng flying voters sa Maynila na ating ibubulgar.
Abangan kung sino ang barangay na ‘sonamagan’!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])