NANUMPA na si dating Manila Mayor Alfredo Lim bilang miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), kamakalawa.
Sa opisyal na seremonyang idinaos sa Office of the Senate President noong Lunes, si Lim ay personal na pinanumpa ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, ang pambansang pangulo ng PDP-Laban.
Hudyat ito na si Lim ang napili na pambato ng PDP-Laban at mayoralty bet ng kinabibilangang partido ni Pres. Rodrigo “Digong” Duterte sa Maynila para sa nalalapit na 2019 mid-term elections.
Ang pagpasok ni Lim sa PDP-Laban ay patunay sa sinserong kampanya ng kasalukuyang administrasyon laban sa lahat ng uri ng kriminalidad at sa pagsugpo ng katiwalian sa pamahalaan.
Lalong kasisindakan ang bangis ng Duterte administration na makatuwang si Lim, ang no non-sense legendary “Dirty Harry” ng Maynila na tulad ni Pres. Digong ay walang sinasanto sa pagpapatupad ng batas.
Ang mahigpit na giyera ng kasalukuyang administrasyon kontra-ilegal na droga ang matatandaan na naging mahigpit na kampanyang inilunsad ni Lim nang maluklok na alkalde noong dekada ‘90 at nagtaboy sa mga pusher at kriminal palabas ng Maynila.
Pero ang no non-sense na kampanya laban sa ilegal na droga ay unang inilarga ni Lim noong siya ang hepe ng National Bureau of Investigations (NBI).
Matatandaan na ipinag-utos noon ni Lim ang pagdakip kay Don Pepe Oyson, ang ‘untouchable’ at maimpluwensiyang drug lord na napatay sa loob ng isang van habang ibinibiyahe patungong NBI headquarters matapos tangkaing manlaban at mang-agaw ng baril mula sa mga na naatasang umaresto sa kanya.
Para maipairal ang rule of law, sabi nga ni Lim:
“The law must be applied to all, otherwise non at all.”
Hindi nagkamali si SP Koko sa pagkakapili kay Lim na malaking asset at garantisadong maasahan ng PDP-Laban sa isinusulong na pagbabago ng administrasyon ni beloved Pres. Digong.
LIM INILAGLAG NG LP
NOONG 2016 DAHIL
SUMUPORTA KAY DIGONG
HANGGANG ngayon, walang resultang inilalabas sa protestang inihain ng kampo ni Lim na nakatengga sa Legal Department ng Commission on Elections (Comelec).
Nakaprotesta sa Comelec ang mahigit sa 2,000 boto na inilamang kay Lim dahil sa malawakang vote buying at pandaraya na naganap sa Maynila noong 2016 elections.
Ipinag-utos ng Comelec en banc sa legal department na imbestigahan at kasuhan ang mga nasa likod ng naganap na dayaan base na rin sa mga dokumentado at ‘di mapasusubaliang ebidensiya na isinumite ng kampo ni Lim.
Katulad ng petition for recall laban kay San Juan City Mayor Guia Gomez, sa hindi malamang dahilan ay tila sadyang pinatatagal din sa Comelec ang paglalabas ng resulta sa inihaing petisyon ng kampo ni Lim.
Suspetsa ng mga supporters ni Lim, sadyang inilaglag ng Liberal Party at hinayaang mamani-pula ang resulta ng eleksiyon sa Maynila dahil sa pagpapahayag ng suporta kay Pang. Digong ng dating alkalde noong 2016.
Ang pagpapahayag ng suporta ni Lim kay Pres. Digong ay napalathala sa Phil. Daily Inquirer noong December 2, 2015.
Narito ang pahayag ni Lim na ating sinipi mula sa kolum na “At Large” ng kolumnistang si Rina David:
“’I admire him,’ Lim says of Duterte, whose hardline approach to taking care of criminals echoes his own no-holds-barred attitude. Although he is a member of the Liberal Party, Lim says he has already talked with party leaders, including LP presidential bet Mar Roxas, about his inclination to support Duterte.”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])