SINAMPAHAN ng walong bilang ng perjury o pagsisinungaling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan si dating Philippine National Police chief, Director General Alan Purisima, alinsunod sa Article 183 ng Revised Penal Code.
Ayon sa Office of the Ombudsman, sinadya umano ni Purisima na itago at hindi ideklara ang ilang mga ari-arian sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net worth o SALN mula 2006 hanggang 2009, at mula 2011 hanggang 2014.
Kabilang sa mga undisclosed property umano ni Purisima ay isang lupain at tatlong iba pang lupa na nakapangalan sa kaniyang maybahay na si Maria Ramona Lydia Purisima.
Nakuha umano ng misis ni Purisima ang mga ari-arian sa pamamagitan ng Deed of Donation at Certificate of Land Ownership Award.
Hindi rin niya umano idineklara ang ilang armas, kabilang ang ilang high-powered rifle at mga pistol.
Ayon sa reklamo, nilabag ng dating hepe ng pambansang pulisya ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Hindi bababa sa P6,000 ang piyansa sa bawat bilang ng perjury, kaya aabot sa P48,000 ang kabuuang piyansa sa kaso.
Si Purisima ay may mga nakabinbin pang ibang kaso sa Sandiganbayan kaugnay ng maanomalyang kontrata para sa courier service na tagahatid ng mga lisensiya ng armas mula sa Philippine National Police, at mga kaso hinggil sa Mamasapano massacre.
Dawit si Purisima sa mga kasong may kinalaman sa pagkamatay ng 44 elite police commandos sa anti-terror raid sa Mamasapano, Maguindanao noong 25 Enero 2015 dahil bahagi siya ng pagpaplano sa nasabing operasyon.