PARANG maamong tuta na nabahag ang buntot ni House Speaker Pantaleon Alvarez matapos tawaging “asshole” at “thick-faced” ni Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nitong nakaraang linggo.
Nagmistulang basang-sisiw si Alvarez at hindi nakaporma nang buweltahan sa umano’y pagkakalat ng intriga laban sa anak ng pangulo.
Ikinairita ni Inday Sara ang intriga na kesyo ang inoorganisa niyang “Hugpong sa Pagbabago” isang bagong alyansa ng mga lokal na opisyal sa lalawigan ng Davao, ay tanda ng kanyang pagsanib sa oposisyon.
Sinabi rin daw ni Alvarez na ang Hugpong sa Pagbabago ni Inday Sara ay “political dynasty” at walang basbas ng amang si Pang. Rodrigo “Digong” Duterte.
Sabi raw ni Alvarez, ”We can see that in politics, there is what we call dynasty. You know that is not appropriate all the time. Even if they are father and child, sometimes quarrels occur. Siblings fight it out in politics. How do we prevent that? They are fighting within themselves.”
News ko po naman! Wala na ba talagang pinalalagpas si Alvarez, ultimo si Pres. Digong at anak na si Inday Sara ay pinagpaplanohan niyang pagsabungin?
UMURONG
ANG BAYAG?
PERO hindi umubra si Alvarez na akala mo ay sinong palaban at walang inuurungan kung umasta dahil may mga testigo si Inday na nakarinig sa kanyang mga pinagsasabi.
Nakarating din daw kay Inday Sara na ipinagyabang ni Alvarez na kahit pangulo ng bansa ay kaya niyang patalsikin sa pamamagitan ng impeachment bilang lider ng Kamara.
May panawagan si Inday Sara sa mga miyembro ng Kamara na palitan si Alvarez at sinabing ikakampanya pa na matalo sa 2019 mid-term elections kapag hindi tumigil.
Malas lang ni Alvarez, maaga siyang nakatagpo ng katapat kay Inday Sara na kayang paurungin ang kanyang bayag.
EXODUS SA PDP?
DIGONG, NALILIGID
NG MGA KALABAN
PUWEDE sanang itanggi ni Alvarez ang mga nakarating na balita kay Inday Sara kung hindi mantsado ang kanyang kredibilidad at malinis ang kanyang record.
Ang problema kasi, kahit mga kilalang sanggang-dikit na kaalyado ni Pres. Digong ay kinakatalo ni Alvarez at pinagdidiskitahan.
Halimbawa na riyan sina dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na nagtalaga pa man din sa kanya noong 2001 bilang kalihim sa Department of Transportation ang Communications (DOTC), Rep. Antonio Floreindo at Rep. Imee Marcos.
Kaya ba lumusot ang inihain niyang kaso laban kay Floreindo at sumampa sa Sandiganbayan ay dahil tahimik siya sa pagsusulong ng impeachment laban kay Ombudswoman Conchita Carpio-Morales?
Maging ang mga institusyon ay nababahiran sa sobrang tayog ng pagkilala ni Alvarez sa kanyang kapangyarihan, isa na ang Court of Appeals (CA) na pinagbantaang ipabubuwag.
Ang nakababahala, baka dahil kay Alvarez ay magkaroon ng exodus at madamay ang PDP Laban oras na nagsilipatan ang mga miyembro sa Hugpong ng Pagbabago, na ayon mismo kay Pres. Digong ay kanyang binasbasan.
Sa mga pahamak na nakapaligid sa kanya, mas nakararami sa kanila ang nagtataboy ng kakampi kaya’t si Pres. Digong ay hindi na nangangailangan ng kalaban sa oposisyon.