Tuesday , December 24 2024

Bagets mahirap nang ulitin at mapantayan; Dan Hushcka, pwedeng maging big star

NAROROON kami nang magkaroon ng media launching iyong mga bagong stars na ilulunsad sa pelikulang Squad Goals, bilang “mga bagong Bagets” daw. Sila ang sinasabing Bagets para sa mga millennial. Iyong mga bago ay iyong sina Julian Trono, Vitto Marquez, Andrew Muhlach, Jack Reid, at Dan Hushcka.

Iyang mga batang iyan, literally bago. Iyong si Julian kumakanta-kanta at nailunsad na isa isang solo movie kasama si Ella Cruz, pero hindi iyon isang malaking hit. Nakagawa na rin siya ng ilang TV shows. Iyong Vitto, kasama sa isang noontime show dance group. Iyong Andrew, nakalabas-labas na rin sa ilang projects pero ang claim to fame niyan, kapatid siya ng original Bagets star na si Aga Muhlach. Iyong si Jack, bago, na ang claim to fame ay kapatid siya ni James Reid. Isang dating stage actor, at kasali sa isang boyband dati si Dan, na sa tingin namin dahil sa kanyang hitsura at dahil sa nalalaman niya sa pagkanta na ipinakita niya nang kumanta ng acapella, iyan ang posibleng maging big star ng grupo.

Anyway, iyan ang aming first impression lamang.

Hindi ganyan ang Bagets noong aming panahon. Sikat na matinee idol na noon si William Martinez. Stars sa isang top rating television show sina JC Bonin at Herbert Bautista, iyong sa Flor de Luna. Bukod sa pagiging stage actor, sikat na bilang singer si Raymond Lauchengco noon at nakagawa na ng ilang hits, na noong panahong iyon mas bumebenta kaysa plaka nina Martin Nievera at Gary V..

Ang bago talaga noon si Aga. Pero noong panahong iyon, makita lang ng fans si Aga, halos mangisay na sila. Kahit na itanong pa ninyo kay Tita Maricris, dahil inabot na rin niya ang panahong iyon. (Totoo iyan Kuya Ed, grabe ang lakas ng dating ni Aga sa fans—ED)

Ang plus factor pa noon, talagang sanay si direk Maryo delos Reyes sa mga youth oriented movie na nagsimula noong panahon pa niya sa Agrix. Updated din naman sa buhay ng mga bagets ang writer na si Jake Tordesillas. Matindi ang production design ni Butch Garcia. At hindi ninyo matatawaran ang kahusayan sa musika ni Ricky del Rosario na siyang personal na namili ng mga kantang gagamitin sa pelikula at nagbuo ng soundtrack. Iyong soundtrack niyong Bagets, malaking hit na bago pa man mailabas iyong pelikula. Umuusok na ang mga estasyon ng radyo sa mga kantang Growing Up, So It’s You, at Farewell. Iyong iba pang cover versions na kasama rin sa album, sikat na mga kanta rin noon.

May kuwento pa kung bakit ganyan ang musika ng Bagets. Ginawang modern dahil nauna riyan, may sumikat na mga Israeli movie maski rito sa atin, iyong Hot Bubblegum at Lemon Popsicle, pero ibang kuwento na iyan dahil hahaba tayo na parang nobela.

Iyan kasing Bagets ay isang pelikulang nasubaybayan namin ang lahat ng nangyari simula pa lamang ng shooting nila hanggang sa matapos ang pelikula. Nakakausap namin hindi lamang ang mga artista kundi ang lahat ng may kinalaman sa pelikula. Alam namin kung ano ang takbo ng isip nila.

Alam namin kung paano ipinromote nang husto ang mga artista at ang pelikulang iyon, na isa-isang idinedetalye sa amin ng producer na si Mina Aragon. Ang tingin namin medyo malayo yata iyong ginagawa nila ngayon, pero ano naman ang malay ninyo kung may mangyaring milagro.

Sabi nga nila, iyong Bagets na mula sa idea ni Douglas Quijano ay isang legend na mahirap nang ulitin. In the first place alam ba nila kung saan nanggaling talaga iyong salitang “bagets”? Naku napakarami kong kuwento talaga Tita Maricris.

HATAWAN!
ni Ed de Leon

About Ed de Leon

Check Also

Sue Ramirez Dominic Roque

Dom at Sue exclusively dating

PUSH NA’YANni Ambet Nabus ABA’Y date movie na rin lang ang usapan, sure na sure …

Miles Ocampo Elijah Canlas

Balikang Elijah at Miles posible, nahuling naghahalikan

PUSH NA’YANni Ambet Nabus AT dahil kumalat na naman sa socmed ang “kissing scene” ng …

Rufa Mae Quinto Trevor Magallanes

Rufa Mae go-go-go pa rin kahit maraming problema

MA at PAni Rommel Placente MARAMI ang humanga sa pagiging positibo ni Rufa Mae Quinto …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *