PLANO raw gamitin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ‘citizen’s arrest’ laban sa mga abusadong motorista.
Hindi natin maintindihan kung nagtatanga-tangahan o sadya lang talaga na ginagawang mangmang ng mga namumuno sa MMDA ang kanilang sarili para magpaawa sa publiko.
Isinasadula nila na parang drama ang mga tagpo na inaalmahan ng motorista ang mga MMDA enforcer, tulad sa pangyayari kamakailan sa babaeng angkas ng motorsiklo na nanlaban matapos sitahin dahil sa hindi pagsusuot ng helmet sa Visayas Ave., Quezon City na naging viral sa Facebook.
Nais marahil palabasin ng MMDA na api-apihan sila ng mga motorista para ihakot ng simpatiya sa publiko ang mga kontrabida nilang traffic enforcers.
Kailangan pa ba ng MMDA na ipagduldulan ang paggamit ng citizen’s arrest gayong may karapatan naman ang sinomang traffic enforcer nila na maghain ng reklamong assault, oral defamation, unjust vexation at iba pang kasong kriminal sa piskalya laban sa sinomang marahas na motorista?
Bibihira naman ang insidente na nakaka-enkuwenro ng marahas na motoristang nanlalaban ang mga traffic enforcer ng MMDA.
Maliit na porsiyento ang katulad na eksenang nais i-dramatize ng MMDA kompara sa bilang ng mga motorista na araw-araw ay nabibiktima ng pangongotng ng traffic enforcers na hindi napapabalita.
Ang marahas na eksena pero bihirang mangyari ay epekto na rin ng hindi nasasawata at walang kasawa-sawang pangongotong sa mga motorista.
Imbes kasi gampanan ang trabaho sa pagsasaayos ng patuloy na lumulubhang problema sa trapiko, ang pilit inaasikaso ay tumantiya ng masisitang motorista na inaakalang makokotongan.
Pero, nunca ay wala pa tayong nabalitaan na ang mga traffic enforcer ng MMDA at nagtangkang sumita ng mga motoristang sakay ng magagara at high end na sasakyang tulad ng humaharurot na Ferrari.
Ang dapat ipatupad na tuntunin ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte ay palitan agad ang matataas na opisyal ng MMDA kapag sa loob ng anim na buwan ay walang naipakitang resulta.
Paano masusugpo ang pangongotong at katiwalian sa MMDA kung hindi binubuwag ang mga sindikato ng ilegal?
Malulutas ba ang problema sa trapiko kung hindi ipatutupad ng MMDA ang pagbuwag sa mga illegal terminal, illegal parking at illegal vendors sa mga pangunahing lansangan?
Araw-araw, inirereklamo ng mga motorista at publiko ang illegal terminal ng sindikato sa Barangay 659-A ni Chairwoman Ligaya V. Santos sa Liwasang Bonifacio at Plaza Lawton na sanhi ng matinding trapik sa Maynila.
Noong nakaraang taon, pinagunahan pa ni Chairman Danilo Lim at ng kayang mga alipores sa MMDA ang pagsasara sa nabanggit na illegal terminal at pinagbantaang sasampahan ng kaso ang mga opisyal ng barangay kapag muling nakabalik ang mga pampasaherong sasakyan na pumaparada sa lugar.
Anyare, at biglang natahimik si Lim at ang MMDA sa patuloy na pamamayagpag ng illegal terminal na bumababoy sa monumento ni Gat Andres Bonifacio?
Ang kahabaan ng mga kalye sa Claro M. Recto at Divisoria ay pawang hindi na madaanan ng sasakyan at halos wala nang malakaran ang publiko dahil sa illegal vendors.
Sa Baclaran na ilang beses nagamit sa publicity ng MMDA, matapos buwagin ay lalong nadagdagan ang bilang ng mga vendors na naghambalang sa kalye.
Kung nais ng MMDA na makahakot ng simpatiya, ang publiko mismo ang awtorisahan nila na magsagawa ng citizen’s arrest laban sa mga enforcer na nangongotong sa mga motorista at nangongolekta sa illegal vendors at illegal terminal.
Nagpapaawa lang sa publiko ang MMDA para matakpan ang mga kapalpakan.
Sana, palitan na ni Pres. Digong si Gen. Lim kung ayaw pang mag-resign.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])