Monday , December 23 2024

Work Immersion sa Senior High School, kailangan nga ba?

DUMAGSA ang mga mag-aaral ng Grade 12 sa mga pampubliko at pribadong insitutusyon sa iba’t ibang lugar sa Filipinas para sa kanilang kauna-unahang work immersion sa ilalim ng K to 12 Program.

Sa unang linggo pa lamang ng ikalawang semestre ng taong panuruan, kanya-kanya nang punta ang mga “excited” na mag-aaral sa mga work immersion venue o lugar na napili ng kanilang mga paaralan para sa kanilang work immersion batay sa kanilang specialization sa senior high school. Kabilang sa mga work immersion venue na ito ang mga restaurant, shop/boutique, pagawaan, banko, opisina, ospital, paaralan at pabrika.

Sa loob ng sampung araw o sa kabuuang oras na 80, ginugol ng mga mag-aaral ang kanilang buong atensiyon sa kanilang work immersion dala ang hangarin na mas lalong madagdagan ang kanilang kaalaman sa tulong ng kanilang Partner Institution Supervisor at ng kanilang mga guro sa work immersion.

Isinasaad sa DepEd Order No. 30 s. 217 na ang work immersion ay isa sa pangunahing katangian ng SHS Curriculum at ang pagpapatupad nito ay kinakailangan upang mabigyang pagkakataon ang mga mag-aaral na maging pa-milyar sa klase o uri ng trabaho at lugar na kanilang pupuntahan pagkatapos ng kanilang pag-aaral.

Sa pamamagitan ng work immersion, inaasahan na makikita at mas mauunawaan ng mga mag-aaral ang kahalagahan at aplikasyon ng kanilang mga natutunan sa paaralan, mas lalong madaragdagan ang kanilang kaalaman at kasanayan, mas higit uunlad ang kanilang kakayahan sa pakikipagtalastasan at pakikitungo sa ibang tao at malilinang sa kanila ang tamang gawi, asal at pagmamahal sa trabaho.

Bago pa man sinimulan ang pagpapatupad ng senior high school noong 2016, umani nang pamumuna ang work immersion bilang isang uri ng papapalawig at pagpapalalim sa K to 12 Curiculum dahil sa mga isyung nakadikit dito lalo at wala pang panuntunan na inilatag noon ang DepEd kung paano ito ipatutupad.

Pangunahing isyu sa pagpapatupad ng work immersion ang kaligtasan ng mga mag-aaral habang sila ay nasa work immersion venue at kung sino ang mananagot kung may mangyaring ‘di inaasahan sa mag-aaral.

Bukod dito, malaking usapin din kung sapat ang bilang ng mga partner institution na tatanggap sa mga mag-aaral para sa kanilang work immersion. Isyu din kung sapat ang 80 oras para sa work immersion upang maisakatuparan ang layunin nito.

Sa paglabas ng DepEd Order No. 30 s. 2017 na naglalaman ng panuntunan sa pagsasagawa ng work immersion napawi ang pangamba ng mga magulang tungkol sa isyu ng kaligtasan ng kanilang mga anak na sasailalim sa work immersion.

Alinsunod sa nasabing kautusan, kinakailangan ang pahintulot ng magulang bago sumabak ang mag-aaral sa kanyang work immersion saan man ito gagawin. Ibig sabihin, nasa magulang pa rin ang desisyon kung pahihintulutan niya ang kanyang anak sa kaniyang work immersion o gagawa na lang ng research project or culminating activity bilang kapalit ng work immersion.

Sinasabi rin sa kautusan na dapat suriin at piliin ng paaralan ang work immersion venue kung ito ba ay ligtas at magandang learning environment para sa mga mag-aaral. Kinakailangan na ang partner institution ay rehistrado o kinikilala ng accrediting agency ng pamahalaan upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral.

Ang pagbibigay diin ng kautusan sa pagkakaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng paaralan at ng partner ins-titution nito ay paraan din upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ang pagkakaroon nila ng magandang karanasan sa work immersion.

Ayon sa kautusan, dapat nakasaad sa MOA ang pagbuo ng Joint Working Group na mangangasiwa sa lahat ng aspekto ng paghahanda para sa matagumpay na work immersion. Dapat nakasaad din sa MOA ang pagbibigay ng insu­rance sa mga mag-aaral mula sa MOOE ng pampublikong paaralan o sa insurance fee na binayaran ng mga mag-aaral mula sa pribadong paaralan.

Sinagot din ng kautusan ang isyu tungkol sa sapat na bilang ng akmang work immersion venues at oras ng work immersion. Nakasaad sa panuntunan ng work immersion na bagamat layunin nito na maihanda ang mga mag-aaral sa maaari nilang maging trabaho sa hinaharap, ang programang ito ay idinesenyo sa paraan na maaaring malinang ng mga mag-aaral ang iba pang kasanayan hindi lamang ang may kinalaman sa kanilang work immersion venue.

Ibig sabihin, bagamat ang isang mag-aaral ng cookery ha­limbawa ay nasa isang restaurant para sa kanyang work immersion, hindi lang ang kasa­nayan sa paggawa ng tinapay ang kanyang puwedeng malinang. Maaari rin niyang malinang ang iba pang kaalaman at kasanayan na maaaring gamitin sa iba pang uri ng hanapbuhay.

Maaaring hindi sapat ang minimum na 80 hours upang may matutunan ang mag-aaral sa kanyang work immersion. Gayonpaman, sinasabi sa kautusan na pinapayagan ang flexibility sa pagsasagawa ng work immersion kung kaya’t may Work Immersion Delivery Options na maaaring isaalang-alang depende sa pangangailan ng paaralan at available resources ng ka-partner na institusyon.

Halimbawa, sa halip na 80 hours, maaaring gawing 240 hours ang work immersion ng isang mag-aaral sa computer programming upang mas lalo niyang mapaghusay ang kanyang kakayanan ngunit ito ay depende sa available resources ng partner institution.

Ilang linggo na lang at matatapos na ang kauna-una­hang work immersion ng mga mag-aaral sa senior high school. Maraming mag-aaral ang natuwa sa kanilang naging karanasan sa kanilang work immersion lalo’t nagkaroon sila ng kalayaan mula sa loob ng apat na sulok ng kanilang paaralan kahit sa loob ng sampung araw lamang.

Marami rin mga partner institution ang lubos na ikinasiya ang pagkakaroon nila ng mga mag-aaral ng work immersion. Ang iba sa kanila ay nag-aalok pa ng trabaho sa mga mag-aaral na nagpakita ng kahusayan at kasipagan.

Naging maayos man ang pagsasagawa ng work immersion sa kabuuan, kinakailangan pa rin ang obhetibong ebalwasyon ng implementasyon ng work immersion sa bawat paaralan, dibisyon at rehiyon sapagkat tanging sa pa­mamagitan nito masasagot ang katanungang: Kailangan ba ang work immersion sa senior high school at paano mapabubuti ang implementasyon nito sa susunod na mga taon?

ni Marlon P. Daclis

About Marlon Daclis

Si Marlon Paycana Daclis, ay Education Program Supervisor I mula sa DepEd City of San Jose del Monte. Miyembro rin siya ng K to 12 Speakers’ Bureau.

Check Also

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Krystall Herbal Oil

Pulikat sa lamig ng panahon pinapayapa ng Krystall Herbal Oil

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sis Fely Guy Ong,          Ako po …

Joel Cruz P25-M 25th anniversay Aficionado 

Joel Cruz mamimigay ng P25-M sa 25th anniversay ng Aficionado 

MATABILni John Fontanilla MAMAMAHAGI ng P25-M ang tinaguriang Lord Of Scents na si Joel Cruz …

BingoPlus Chelsea Manalo Feat

BingoPlus welcomes Miss Universe Asia Chelsea Manalo home

BingoPlus, your comprehensive digital entertainment platform in the country, has always been supportive of Chelsea …

BingPlus PANA feat

BingoPlus empowers brand partners before the year ends

BingoPlus, your comprehensive digital entertainment platform in the country, upheld the Christmas party of the …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *