AKALAIN n’yo, wala raw ni isa sa 203 miyembro ng Kamara ang kumontra sa pagpasa ng House Bill 6779 na pinamagatang “An Act Recognizing the Civil Effects of Church Annulment Decrees” na magbibigay kapangyarihan sa alinmang sekta ng relihiyon sa bansa na ipawalang-bisa ang kasal.
Aba’y, ‘di ba’t bibihirang mangyari sa kasaysayan na nagkaisa ang oposisyon at pro-administration sa pagpasa ng batas?!
Kapag hanggang sa Senado ay lumusot ang HB 6779, para na rin naisabatas ang diborsiyo na matagal nang kinokontra at hinaharang ng simbahang Katoliko at mga sektang nabibilang sa relihiyong Kristiyanismo sa bansa.
Nagkakatotoo na yata ang balitang si Satanas ay hindi na nagpupunta sa Filipinas dahil marami na rito sa atin ang gumagawa ng kanyang trabaho at malaki ang kanyang natitipid sa personnel o mga alagad niyang demonyo.
Sa dinami-rami ng batas ay sa paglapastangan pa sa sagradong kasal na inimbento ng Panginoong Diyos ang napagkaisahang kontrahin sa Kamara.
‘Buti pa pala sa kademonyohan ay nagagawang magkaisa ng mga pulpolitikong oposisyon at pro-administration sa Kamara.
Kung susumahin, baka nga hindi bababa sa 98 porsiyento ng mga mambabatas ang nabibilang sa relihiyong Kristiyanismo at pinakamarami sa kanila ay Katoliko na numero-unong tumutol sa diborsyo.
Nataguriang pa man din tayong ‘the only Christian country in Asia’ pero ultimo sariling pananampalataya ay nilalapastangan.
Sa bansa natin talaga ay mas higit na kinatatakutan ang batas na iniaakda ng mga politiko kahit salungat na sa batas ng Diyos. Mabuti pa ang batas ng hari ay hindi nila binabali.
Sakaling maisabatas ang panukala nina Reps. Yedda Marie Kittilstvedt-Romualdez ng Leyte, Gwendolyn Garcia ng Cebu at dating broadcast reporter Sol Aragones ng Laguna, ang sinomang mapapawalang bisa ang kasal ay pahihintulutan na rin na maikasal at makisama sa iba.
Bagama’t pinahihintulutang makipaghiwalay ang mag-asawa sa batas ng Kristiyanismo ay ipinagbabawal ang muling pagpapakasal habang ang isa sa kanila ay nabubuhay.
Walang ibang layon ng isinusulong na batas kung hindi bigyang katuwiran ang makamundong pakikiapid at pangangalunya ng mga nanonorotot.
Bakit hindi lang magsihanap ng bansang malilipatan ang mga naniniwala sa panukalang batas nina Romualdez, Garcia at Aragones na umiiral ang diborsyo, imbes lapastanganin ang nananahimik na batas ng Diyos?
Diyan makikita na wala nang natitirang mambabatas na matino sa Kamara kaya dapat na silang buwagin para makatipid ang gobyerno at mamamayan sa pagpapasuweldo at kanilang pagpapasarap.
Subukan kaya nila na sila-sila na lang sa Kamara ang mag-asawahan, tutal naman ay matagal nang nangyayari ang kaliwaan sa Kamara at Senado.
Huwag naman sana idamay ng mambabatas ang iba sa sumpa na maaring ibunga ng kanilang katarantaduhan laban sa batas ng Diyos.
Lahat ng sumang-ayon sa panukalang batas na ‘yan ay dapat nang itiwalag ng kanilang kinabibilangang sekta dahil maliwanag na hindi sila kumikilala sa mga sinasampalatayanang aral na ipinatutupad ng kanilang relihiyon.
Sa mga Kristiyanong botante, tandaan n’yo ang mga mambabatas na sumang-ayon sa panukalang batas na ‘yan at huwag n’yo na silang iboboto o susuportahan kailanman.
Kung ang utos at batas nga ng Diyos ay nagagawa nilang lapastanganin, gaano pa kaya ang karaniwang mamamayan!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])