BILYONG pisong halaga ng mga pekeng sigarilyo at tax stamps ang nasabat ng mga tauhan ng CIDG Region 3 at Philippine Drug Enforcement Agency sa isang warehouse sa Bulacan, kamakalawa.
Bitbit ang search warrant, pinasok ng mga awtoridad ang warehouse sa RIS Complex sa Guiguinto, sa naturang lalawigan.
Dito tumambad ang pagawaan ng sigarilyo na kompleto sa makina, daan-daang kahon ng cigarette sticks, kahon-kahon ng mga pekeng tax stamps, mga label at packaging ng iba’t ibang brand ng sigarilyo.
Mahigit 70 empleyado mula Mindanao ang mga gumagawa ng pekeng sigarilyo, na sinasabing ibinebenta sa Metro Manila.
Nabatid na marumi, maalikabok at masangsang ang amoy sa loob ng pagawaan at ang tulugan ng mga empleyado ay loob mismo ng warehouse.
Ayon kay Roger Demerin, isa sa mga trabahador, hindi nila alam na ilegal ang pinagtatrabahuan nila at tinitiis lamang nila ang masangsang na amoy sa loob nito dahil sa kawalan ng trabaho sa pinanggalingan nila.
Sinasabing pagmamay-ari ang warehouse ng Chinese national na si Edward Ynoy Ang. Samantala, tikom ang bibig ng Chinese caretaker ng pagawaan.
Ayon sa Japan Tobacco Inc., peke ang mga nahuling mga sigarilyo at hindi awtorisado ang manufacturer nito.
“We commend the BIR, the LGU of Bulacan and law enforcement authorities for this successful raid on a secret factory producing illicit cigarettes,” ayon sa pahayag ni Manos Koukourakis, presidente ng kompanya.
Isang nagngangalang Ivan Lee ang itinuturong may pakana sa paggawa ng pekeng produkto ng Mighty cigarettes.
Kasong paglabag sa Intellectual Property Rights ang kahaharapin ng may-ari ng warehouse.
(MICKA BAUTISTA)