HUMIHIRIT ng VIP treatment sa detention cell ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bigtime “fixer” cum “broker sa smuggling ng P6.4-B shabu shipment na ang paglipat ng selda sa Manila City Jail (MCJ) ay una nang ipinag-utos ng hukuman.
Kamakalawa ay naghain daw ng panibagong “urgent motion” sa sala ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 Presiding Judge Rainelda Estacio-Montesa ang kampo ni Mark Ruben G. Taguba II para igiit ang pananatili niya sa kustodiya ng NBI.
Gusto pa yatang gawing turumpo ng kampo ni Taguba ang matinong hukom na si Estacio-Montesa na kaya nilang mapaikot tulad ng hukom sa Valenzuela RTC Br. 171 na unang nagbasura ng kaso laban sa mga direktamentong sangkot sa P6.4-B shabu shipment na nadiskubreng ipinuslit sa Manila International Container Port (MICP).
Noong nakaraang Biyernes ay ibinasura ang katulad na mosyong inihain ni Taguba dahil walang ebidensiyang nagpapatunay na may banta ng panganib kay Taguba sa MCJ, sabi ng hukom.
Sinabi ng hukom na ang NBI o alinmang attached agency o tanggapan sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) ay walang mandato sa batas para patuloy na magsilbing custodian ni Taguba na principal accused sa no bail na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
Ayon sa inihaing apela ng kampo ni Taguba, noong Feb. 4 ay nakarating daw sa kanilang kaalaman na ipapatay siya ng isang opisyal sa pamahalaan na kanyang idinawit sa kinasasangkutang krimen.
Aber, sino’ng bilanggo sa MCJ at mga karaniwang kulungan ang hindi nasa panganib ang buhay?
Ikalawang alibi, kesyo mapanganib daw na mapahalo si Taguba sa mga ordinaryong holduppers, robbers, rapists at murderers na maaring samantalahin ang pagkakataon para kumita ng salapi.
Aba’y, kailan pa naimbento ang status symbol sa mga kriminal?
Samantala si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, ni minsan ay hindi humirit na pumili ng kulungan kahit malaking question mark ang pagpapadetine sa kanya ng Senado.
Kung tutuusin, mas marangal na ‘di hamak ang mandurukot sa Quiapo kaysa smugglers, drug lords at gambling lords.
Ang mga mandurukot sa Quiapo ay paisa-isa lang kung bumiktima, habang si Taguba at ang kanyang mga kasabwat ay maramihan ang pinipinsala.
Mas masahol pa sa karaniwang magnanakaw ang mga broker-fixer cum smuggler sa Customs na buong bansa ang pinagnanakawan sa hindi pagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.
Harinawa ay mabigo si Taguba at ng kanyang kampo na mapaikot ang matitinong hukom na gaya ni Estacio-Montesa sa ating judiciary na mapagkakatiwalaan sa paggagawad ng katarungan.
Ang mosyon ni Taguba na makakuha ng VIP treatment ba ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa naaaresto ng NBI ang kanyang mga financier na kasama sa warrant of arrest na ipinalabas ng hukuman?
Sa ngayon, sina Taguba at Eirene Mae Tatad na sangkot din bilang consignee sa P6.4-B shipment ng shabu ang hawak ng NBI.
Wala pang balita sa ibang principal co-accused ni Taguba nha sina Li Guang Feng alias Manny Li, Dong Yi Shen Xi alias Kenneth Dong, Eirene Mae Tatad, Teejan Marcellana, Chen I-Min, Jhu Ming Jhyun, at Chen Rong Huan.
Hindi pa rin alam kung kailan ilalabas ng hukuman ang desisyon sa hirit Chen Ju Long (aka Richard Tan at Richard Chen) na maibasura ang kaso laban sa kanya.
Sana ay mabigo ang idinidiskarteng VIP treatment ni Taguba na posibleng inaabangan ng ibang mga sangkot na hindi pa nadarakip ng mga awtoridad.
Naturalmente, tiyak hihirit din ang mga damuhong Tsekwa na sa NBI sila manatili kapag pinayagan ng hukuman ang diskarteng-bulok ni Taguba.
Malamang, ginagapang na rin ng mga padrino ng grupo na mapaboran ang Motion to Quash na inihain ni Chen Ju Long kung magagamit ng ibang akusado na makalusot sa kaso.
Subaybayan!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])