Monday , December 23 2024
congress kamara

Criminal justice system sinisira sa ‘obstruction of justice’ ng Kongreso

GINUGULO ng mga imbestigasyon sa Senado at Kamara ang proseso ng criminal justice system sa ating bansa.

Inaabuso na ng mga naghahambog na mam­babatas ang maling paggamit ng legislative po­wers sa pagpapatawag ng mga imbestigasyon na nakasisira sa mandato at gampanin na nakaatang sa mga sangay na sakop ng executive at judicial branch ng ating pamahalaan.

Kumbaga, overused at sobrang gasgas ang paggamit ng Senado at Kamara sa “investigation in aid of legislation” na kadalasa’y sanhi ng kabiguan para sa mga nilalang na naghahanap ng katarungan.

Maraming beses nang napatunayan na laging nakalalamang ang mga nagkasala sa batas kaysa mga naagrabyadong biktima sa mga imbestigasyon ng Senado at Kamara.

Katunayan, halatang-halata ang pananahimik ng mga damuhong mambabatas nang ibasura ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 171 presiding Judge Maria Nena Santos noong December 2017 ang kaso laban sa mga nasa likod ng nagpuslit ng P6.4-B shabu sa Buraeu of Customs (BOC).

Pero nang ibasura ang isinampang reklamo kay dating Commissioner Nicanor Faeldon at noo’y mga kasamahan niyang opisyal sa Customs ay parang mga galit na asong nagtahulan ang mga Senador laban sa Department of Justice (DOJ).

Mapupunang tahimik na rin ang mga hindoropot sa kaso ni Horacio “Atio” Castillo III, ang law student sa University of Santo Tomas (UST) at biktima ng kalupitan sa fraternity hazing.

Kaya naman walang naniniwala na pagha­hanap ng katarungan ang pakay sa imbestigasyon ng Senado at Kamara sa dispalinghadong Dengvaxia vaccine na binili mula sa kompanyang Sanofi Pasteur ng nakaraang administrasyon.

Ang hindi naiisip ng mga naulilang magulang ng mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia ang posibilidad na mauwi sa wala ang hinahanap nilang katarungan sa magkahiwalay na imbestigasyon ng Senado at Kamara.

Tahasang nanindigan ang kompanyang Sanofi Pasteur na hindi isasauli ang P3 bilyong halaga ng salapi ng pamahalaan na ginamit sa pagbili ng Dengvaxia noong nakaraang administrasyon.

Paano pa maibabalik ng Sanofi Pasteur ang “kickback” na kinita ng mga dating opisyal sa nakaraang administrasyon sa pagbili ng dispalinghadong bakuna?

Tiyak na may mga kumita sa pagbili ng Dengvaxia at kung talagang interesado ang Senado at Kamara na mapanagot ang mga sangkot ay dapat ipaubaya sa criminal justice system ang proseso.

Mga sangay ng ehekutibo at lehislatibo ang may mandato sa batas na magsulong ng imbestigasyon at lumitis sa sinomang may mga paglabag sa batas at hindi sa Senado at Kamara malulutas ang kaso.

Nakokontamina lang ng mga mambabatas ang criminal investigation para sa paghahanap ng katarungan dahil may mga batas namang umiiral na magpapanagot sa mga gumagawa ng krimen, tulad ng kasong paglabag sa anti-graft at plunder law.

Ang Senado at Kamara ay walang mandato na panagutin sa batas ang mga may kasalan at hindi sa kanila dapat ipaubaya ang mga ebidensiya ng krimen na pinagdududahang magagamit sa notorious na “investigation in aid of extortion.”

Malaki ang kaibahan ng legislative sa criminal investigation at prosecution, na executive ang may mandato sa ilalim ng batas.

Sa pangangasiwa ng executive nakaatang ang mandato sa pagsusulong ng criminal investigation at prosecution na hindi teritoryo o gampanin ng Senado at Kamara.

Kung limitado ang imbestigasyon ng Senado at Kamara sa pagpapanukala at pagpasa ng mga batas, ang paghahanap sa katarungan ay sa executive at judiciary nakaatang.

Sa bandang-huli, ang mga naulilang pamilya rin ng mga naturukan at namatay sa Dengvaxia vaccine ang lalabas na kaawa-awa.

Ang Senado at Kamara ay walang kredibi­lidad at walang karapatan na magtakda ng isasampang kaso laban sa mga dapat managot sa maramihang pagpatay sa mga bata sa eksperimento ng gobyerno at Sanofi Pasteur.

Hindi pa ba matatawag na obstruction of justice ang imbestigasyon ng Senado at Kamara sa Dengvaxia at iba pang mga kaso?

Dapat lang ituloy ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta ang pag-awtopsiya sa bangkay ng mga naturukan ng Dengvaxia.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

 

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *