DINALA na sa Pasay City Jail si dating Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon kahapon ng tanghali.
Dumating si Faeldon kasama ang mga tauhan ng Office of Sergeant at Arms ng Senado at ipinasok sa loob ng Male Dormitory ng Pasay City Jail, dakong 12:02 ng tanghali.
Si Faeldon, nakasuot ng itim na t-shirt na may nakalagay na “Truth is Justice” ay pinagkaguluhan ng mga dalaw at preso ng piitan.
Hindi natuloy ang paglipat nitong Lunes ng gabi kay Faeldon sa kulungan dahil sinasabing marumi, mabaho at posibleng magkasakit ang opisyal.
Sinabi ni Senior Ins-pector Orlando Alicante, Pasay City Jail Deputy Director, ilalagay sa cuer-na sa ikalawang palapag at may sariling selda na walang pangkat at walang kasama si Faeldon para sa kanyang kaligtasan.
Nagkasundo ang mga senador na panatilihin ang contempt kay Faeldon at ituloy ang pagpiit ngunit hindi sa Senado kundi sa Pasay City Jail.
Nagpasya ang mga senador na ilipat ng kulungan si Faeldon dahil sa kanyang naging asal at pagmamatigas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa katiwalian sa tara system sa BoC kahapon.
(CYNTHIA MARTIN)