KUMUKULO sa sobrang init ang iginawad na parangal ng University of Santo Tomas Alumni Association Inc. (USTAAI) kay Presidential Communications Assistant Secretary Esther Margaux “Mocha” Uson, kamakailan.
Napaso na rin ang UST administration sa tindi ng init kaya’t napilitang dumistansiya sa iginawad na parangal ng USTAAI kay Uson.
Sa pakiwari ng mga nagsipagtapos at kasalukuyang mag-aaral sa unibersidad ay malaking kahihiyan sa kanila ang paggawad ng USTAAI ng parangal kay Uson at maituturing na tahasang pambabastos sa kanilang alma mater.
Kahit naman ang mga hindi naging estudyante o nagtapos sa UST ay nagtatanong kung ano ang pinagbatayan ng USTAAI sa “award for government service” na iginawad kay Uson.
Anong kahanga-hangang serbisyo ba ang nagawa ni Uson mula nang maitalaga siya sa puwesto, bukod sa nakapagtapos ng bachelor’s degree in Science in Medical Technology noong 1998 sa UST?
Dahil sa kontrobersiya, ang iba sa mga nakasabay ni Uson ay nagpahayag na isasauli ang natanggap na parangal mula sa USTAAI.
Para siyempre kay Uson ay wala siyang paki sa propriety ng award at tila hindi siya apektado.
Naalala natin ang kaso ng actress at beauty queen na si Alma Concepcion na sinipa ng UST dahil sa pagpapakuha ng larawan para sa sexy calendar ng isang kompanya ng alak noong 1996.
Sa pagkakaalam natin, hindi naman lantad lahat ang maseselang parte ng katawan ni Concepcion sa lumabas na larawan noon, kompara kay Uson.
Noong 2008, sinipa rin ng UST ang sexy actress na si Aubrey Miles dahil sa pag-pose sa FHM magazine.
Pero wala sa kalingkingan sina Concepcion at Miles kompara sa mga hubo’t hubad na larawan ni Uson na hanggang ngayon ay nagkalat sa social media.
Kahit ang pornographic videos ni Uson na nakikipaglaplapan sa mga kapwa babae na ating napanood sa You Tube ay talaga namang kahanay ng mga porno movies.
Para sa marami, dapat lang maging makatotohanan at hindi dapat selective ang antas ng pamantayan sa moralidad ng UST, para sa lahat, bilang isang huwarang sectarian school na pinatatakbo pa man din ng simbahan.
Sabi nga ng Italianong pantas na kinikilalang ‘father of modern political science’ na si Niccolo Machiavelli:
“It is not titles that honor men, but men that honor titles.”
ATTN: DILG USEC DIÑO:
GAPANGAN AT TAKUTAN
SA LUNGSOD NG SAN JUAN
NAKARATING na kaya sa kaalaman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño ang aktibong pakikilahok at pagpapagamit ng mga barangay official sa isinusulong na recall election sa lungsod ng San Juan?
Dapat pasubaybayan para maparusahan kung sino ang mga opisyal ng barangay na nagpapagamit sa politika para takutin ang mga residente ng San Juan na lumagda sa petisyon ng recall election laban kay Mayor Guia Gomez na pinaboran ng Commission on Elections (Comelec).
Sa kanyang post na ating nabasa sa social media, nananawagan si dating vice mayor Francis Zamora sa mamamayan na labanan ang pananakot sa kanila ng ilang opisyal ng barangay at mga kawani ng City Hall.
Pilit umanong pinapipirma ng mga napag-utusang barangay official at city hall employees sa isang affidavit o sinumpaang salaysay ang mga kabilang sa mahigit 30,000 lumagda sa naaprobahang petisyon.
Sa pagkakaalam natin, ang kasalukuyang proseso ay para beripikahin ang mga lumagda sa petisyon at hindi para takutin sila na bumaligtad at pumirma sa sinumpaang salaysay.
Hindi ba’t sa mga katarantaduhang nangyayari sa San Juan at pakikialam ng mga barangay ay dapat magparamdam ng authority ang DILG upang hindi magtagumpay ang ginagawang pananakot sa mga mamamayan doon?
Hindi kaya dapat ay si Diño na mismo ang dumayo sa San Juan para magbigay ng warning sa mga barangay na tahasang paglabag sa batas ang pakikialam sa politika, lalo ang pananakot sa kanilang constituents?
Abangan!