TINIYAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang mangyayaring dagdag-singil sa pasahe hanggang Marso.
Ito ay makaraan ang sunod-sunod na hirit na dagdag-pasahe dahil sa nakaambang pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng ipatutupad na bagong excise tax sa petrolyo.
Sinabi ni LTFRB board member at spokesperson Aileen Lizada, malayong aprubahan nila agad ang mga petisyon ng mga nagsusulong ng dagdag-pasahe, lalo’t kailangan dumaan ito sa proseso.
Bilang resulta, mapapako muna sa kasalukuyang presyo ang mga pasahe.
Dagdag ni Lizada, kaakibat dapat ng dagdag-pasahe ang mas magandang serbisyo ng public transport.
Kabilang sa mga humihirit ng taas-pasahe ang mga jeep, taxi, at ride-hailing app na Grab.