INIHAYAG ng Metro Manila police na posibleng patayin ang signal ng mga cellphone sa ilang lugar sa Maynila kasabay ng “Traslacion” ng Itim na Nazareno bukas, Martes.
“Alam po natin na iyong pagpapasabog po ng IED (improvised explosive device), iyang gamit usually diyan ay cellphone signals,” ayon kay Director Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
“Most probably matuloy po iyan (signal jam) although wala pang desisyon.”
Ayon sa ulat, sa pakikipagtulungan ng National Telecommunications Office, ipatutupad ang signal jam sa mga lugar na may isang kilometro ang layo mula sa andas ng imahen.
“Malaki po ang maaapektohan diyan kahit sinasabi nating isang kilometer radius sana iyan… Kung minsan umaabot po iyan hanggang Malacañang,” ani Albayalde.
Samantala, sinabi ng opisyal, ipatutupad ang gun ban sa buong Maynila mula 12:00 hatinggabi ng 8 Enero hanggang parehong oras ng 10 Enero.
Bukod dito, ipagbabawal din aniya ang pag-inom ng alak sa Sta. Cruz at Quiapo, parehong nasa 500-meter radius ng prusisyon.
Kaugnay nito, walang nakikita ang mga awtoridad na banta sa Traslacion, sabi ni Albayalde.
Gayonman, magpapakalat aniya ng 5,000 pulis para bantayan ang prusisyon na magsisimula sa Quirino Grandstand at magtatapos sa Quiapo Church.
“Ready na po for deployment ang ating mga ka[pulis]an. Lahat po’y plantsado na, everything is in place na,” sabi ni Albayalde.
110,000 DUMALO SA PRUSISYON
NG REPLIKA NG NAZARENO
LUMOBO ang mga deboto na lumahok sa prusisyon ng mga replika ng Itim na Nazareno sa Maynila sa 110,000 nitong Linggo.
Sa pagpatataya ng Manila Police District (MPD), umabot sa 110,000 katao ang lumahok sa prusisyon hanggang 6:00 pm kahapon.
Ayon sa MPD, kabilang rito ang mga debotong nanatili sa loob ng Quiapo Church.
Nagsimula ang prusisyon dakong 2:00 pm at inaasahang matatapos hanggang hatinggabi nitong Linggo.
Ang nasabing pagtitipon ay pagpapakita ng mga deboto ng kanilang sagradong imahen na inalagaan at ipinasa mula sa mga naunang henerasyon ng mga mananampalataya.
Pagpapakita rin anila ito nang hindi matitinag na pananampalataya, tiwala at debosyon ng mga Filipino sa Itim na Nazareno kahit moderno na ang panahon.
Bunsod ng prusisyon, pansamantalang isinara ang Quezon Boulevard. Habang tuloy-tuloy ang paglilinis ng mga awtoridad para sa mga dadaang deboto.
Kabilang sa dinaanan ng prusisyon kahapon ang sumusunod na kalye: Paglabas sa Plaza Miranda, kaliwa sa Quezon Boulevard, Kanan sa Recto Street, Kanan sa Loyola Street, Kanan sa Bilibid Viejo, Kaliwa sa De Guzman, Kanan sa Hidalgo Street, Kaliwa sa Barbosa Street, Kanan sa Globo de Oro Street, Kanan sa Palanca Street, at Kanan sa Villalobos street pabalik sa Plaza Miranda.
Habang may Traslacion
TAMBAY BAWAL
SA JONES BRIDGE
IPAGBABAWAL sa mga deboto ang pagtambay sa Jones Bridge sa Maynila upang hintayin ang pagdaan doon ng Itim na Nazareno sa “Traslacion” ngayong Martes, pahayag ng isang opisyal nitong Linggo.
“Kaya naman niyang (tulay) i-withstand ang weight ng mga tao. Pero ngayon, mayroon tayong binagong regulation — na walang mag-iistambay. Puwedeng daanan, pero walang istambay muna doon sa bridge,” ayon kay Johnny Yu, director ng city disaster office.
“Ang mangyayari, bago dumating ang andas, wala nang nakais-tambay sa bridge. Pagdaan ng andas, saka nila bubuksan iyan para tuloy-tuloy ang takbo ng andas,” dagdag niya.
Bukas, Martes, idaraos ang prusisyon ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.
Nakapuwesto na ang 26 medical stations sa ruta ng Traslacion, ayon kay Yu.
Aniya, nasa 500 deboto ang nakararanas ng heat stroke, pagod at stress sa prusisyon kada taon.