INIHAYAG ni National Capital Region Police Office chief, Director Oscar Albayalde nitong Biyernes, na magtatalaga sila ng mga sniper sa matataas na gusali sa mga lugar na daraanan ng Black Nazarene procession, at magpapalipad ng drones upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto.
“This year we will be deploying snipers doon sa mga high-rise building and we will also be deploying drones. Kami ang magpapalipad ng drones all over, in all the segments para mayroong nagmo-monitor, bukod sa drones ng network kung papayagan sila,” ayon kay Albayalde sa press conference.
Bagama’t walang na-monitor na banta, hindi nila inaalis ang posibilidad ng “lone wolf attack” dagdag niya.
“We have conducted joint regional intelligence meeting. So far walang nakukuhang information although sabi nga natin hindi tayo puwedeng mag-relax dito. Our intelligence operatives are continuously monitoring threat groups even outside sa Metro Manila na puwedeng gumalaw sa loob while this Traslacion is ongoing,” aniya.
“Hindi natin dini-discount ang possibility ng lone wolf attack kaya sabi natin hindi tayo puwedeng mag-relax,” aniya.
Sinabi ni Albayalde, ang mga sniper ay kabilang sa 5,613 uniformed personnel na ide-deploy simula gabi ng 8 Enero hanggang umaga ng 10 Enero.
Aniya, karagdagang personnel ang darating mula sa Joint Task Force-National Capital Region ng Armed Forces of the Philippines, Special Action Force, Explosive and Ordnance Division, and Special Weapons and Tactics unit.
Magde-deploy rin aniya ng plainclothes personnel mula sa PNP, AFP, at National Intelligence and Coordinating Agency.
“As of this time, ready na tayo sa pagdaraos ng Traslacion including all the other government agencies involved particularly ‘yung local government unit ng City of Manila. I think everything was taken care of na at ang kulang na lang ay ‘yung dasal talaga,” aniya.
Dagdag ni Albayalde, ang television networks na nais magpalipad ng kanilang drones ay kailangang humingi ng permiso mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines.
Idinagdag niyang ang no-fly zone ay ipatutupad sa erya gayondin ang liquor ban sa Sta. Cruz at Quiapo.
Aniya, inirekomenda nila kay PNP chief, Director General Ronald dela Rosa ang suspensiyon sa “permit to carry firearms outside of residence” sa Maynila.
“On gun ban, we have already submitted our request to the chief PNP and we are confident na maa-approve ‘yan, starting January 8 until January 10. Two days na gun ban or suspension of permit to carry firearms outside of residence,” aniya.
Samantala, sinabi ni Albayalde, wala pang final word mula sa executive committee hinggil sa pag-jam ng cellphone signals.
“It will be decided upon on at least the night before but most likely mangyayari ‘yan,” aniya.
Kaugnay nito, sinabi ng NCRPO chief, magsasagawa rin sila ng random checking sa mga tao habang isinasagawa ang prusisyon.
“Hindi natin ma-insist ang transparent na backpack, unang-una dahil sa kapal ng tao, sa dami ng tao. Ang gagawin natin we will be conducting random checks of backpacks or bags ng mga kababayan natin, deboto at expectators sa daanan ng prusisyon,” aniya.
Dagdag niya, maglalatag din ng checkpoints ang mga pulis sa labas ng Maynila.
“There will be checkpoint operations outside Manila. They should be conducting Oplan Sita, anti-criminality efforts,” aniya.
Hinikayat ng NCRPO chief ang mga deboto at iba pang lalahok sa prusisyon na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga awtoridad ang ano mang kahina-hinalang pagkilos o packages.
Dagdag niya, maglalagay ng 23 medical stations, 65 ambulance, 15 rescue boats sa daraanan ng prusisyon.
DEBOTO DAGSA NA
SA “PAHALIK”
SA QUIAPO CHURCH
PATULOY sa pagdagsa ang mga deboto sa Quiapo Church sa Maynila nitong Biyernes, bilang paghahanda sa “Traslacion” ng Itim na Nazareno, habang ang “pahalik” sa replika ng imahe ay isasagawa hanggang 8 Enero, Lunes.
Makaraan dumalo sa misa para sa unang Biyernes ngayong taon, ang mga deboto ay pumila sa gilid ng simbahan upang humalik sa replika.
Samantala, ang tradisyonal na “pahalik” sa Itim na Nazareno ay sisimulan sa 8 Enero sa Quirino Grandstand.
At pagkaraan ang Señor ay ipuprusisyon sa 9 Enero.
Para sa Traslacion 2018
CODE WHITE
SA MANILA HOSPITALS
NAKATAKDANG itaas ng Department of Health (DoH) simula 8 Enero ang code white alert sa lahat ng ospital sa Maynila para sa paggunita ng pista ng Itim na Nazareno sa lungsod.
Sinabi ni Patrick Co ng DoH-National Capital Regional, paiigtingin ng ahensiya ang paghahanda ng bawat ospital sa Maynila para sa mga debotong makikiisa sa Traslacion na mangangailangan ng serbisyong medikal.
Sa ilalim ng code white, hindi papayagang lumiban ang lahat ng mga tauhan ng ospital, lalo ang mga nakatalaga sa emergency rooms.
Habang libre umano ang pagpapagamot para sa mga taga-Maynila.
Nagpaalala ang DoH sa mga dadalo sa pagdiriwang na huwag nang magsama ng bata.
Pinayohan din ang mga buntis at may sakit na huwag nang sumabay sa prusisyon.
Samantala, ipatutupad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang blue alert sa 9 Enero sa mismong araw ng Traslacion.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, magdamag na babantayan ng mga katuwang na ahensiya ng NDRRMC ang okasyon para sa mabilis na pag-ayuda sa anomang hindi inaasahang kagipitan.
Kabilang dito ang Armed Forces of the Philippines at Department of Public Works and Highways. Habang ilalagay sa red alert status ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office.
HATAW News Team