PATULOY sa pagdagsa ang mga deboto sa Quiapo Church sa Maynila nitong Biyernes, bilang paghahanda sa “Traslacion” ng Itim na Nazareno, habang ang “pahalik” sa replika ng imahe ay isasagawa hanggang 8 Enero, Lunes.
Makaraan dumalo sa misa para sa unang Biyernes ngayong taon, ang mga deboto ay pumila sa gilid ng simbahan upang humalik sa replika.
Samantala, ang tradisyonal na “pahalik” sa Itim na Nazareno ay sisimulan sa 8 Enero sa Quirino Grandstand.
At pagkaraan ang Señor ay ipuprusisyon sa 9 Enero.
Para sa Traslacion 2018
CODE WHITE
SA MANILA HOSPITALS
NAKATAKDANG itaas ng Department of Health (DoH) simula 8 Enero ang code white alert sa lahat ng ospital sa Maynila para sa paggunita ng pista ng Itim na Nazareno sa lungsod.
Sinabi ni Patrick Co ng DoH-National Capital Regional, paiigtingin ng ahensiya ang paghahanda ng bawat ospital sa Maynila para sa mga debotong makikiisa sa Traslacion na mangangailangan ng serbisyong medikal.
Sa ilalim ng code white, hindi papayagang lumiban ang lahat ng mga tauhan ng ospital, lalo ang mga nakatalaga sa emergency rooms.
Habang libre umano ang pagpapagamot para sa mga taga-Maynila.
Nagpaalala ang DoH sa mga dadalo sa pagdiriwang na huwag nang magsama ng bata.
Pinayohan din ang mga buntis at may sakit na huwag nang sumabay sa prusisyon.
Samantala, ipatutupad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang blue alert sa 9 Enero sa mismong araw ng Traslacion.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, magdamag na babantayan ng mga katuwang na ahensiya ng NDRRMC ang okasyon para sa mabilis na pag-ayuda sa anomang hindi inaasahang kagipitan.
Kabilang dito ang Armed Forces of the Philippines at Department of Public Works and Highways. Habang ilalagay sa red alert status ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office.
HATAW News Team