MAGPAPATUPAD ang Manila Police District ng 48-hour gun ban sa lungsod ng Maynila sa 8-10 Enero para sa paggunita sa pista ng Itim na Nazareno sa susunod na linggo.
Sa nasabing gun ban, pansamantalang sususpendehin ang permits to carry firearms, maliban sa uniformed personnel, mula hatinggabi ng 8 Enero hanggang hatinggabi ng 10 Enero, ayon kay Manila Police District head, Chief Supt. Joel Coronel sa press briefing nitong Huwebes.
Ang mga may makatuwirang dahilan para ma-exempt sa gun ban ay pinayohang iwasan na lamang ang Maynila habang epektibo ito, ayon kay Coronel.
Dagdag ni Coronel, naghain siya ng rekomendasyon sa Office of the City Mayor para sa liquor ban at umaasang magpapalabas ng executive order hinggil sa isyu.
Kapag iniutos ni Mayor Josep Estrada, sa nasabing ban ay ipagbabawal ang “sale, distribution, consumption of liquor and other alcoholic beverages within a 500-meter radius from the vicinity of the procession route” kabilang ang Lu-neta at Quiapo Church, mula 6:00 pm ng 8 Enero hanggang 6:00 am ng 10 Enero.
“Establishments which are accredited by the Department of Tourism shall not be covered by this ban,” pahayag ni Coronel.