Friday , November 15 2024

Abuso de kompiyansa ang mga mambabatas

SORI na lang sa mga tutol sa planong baguhin ang ating Saligang Batas.

May tatlong pa­mamaraan sa pagbabago o pag-amiyenda na naaayon din mismo sa Saligang Batas, kung hindi ako nagkakamali ay sa pamamagitan ng: 1) Constituent Assembly (Con-Ass); 2) Constitutional Convention (Con-Con); at 3) Constitutional Commission (Con-Com).

Kaya walang maaaring makatutol kung talagang desidido ang kasalukuyang administrasyon na isulong ang pagbabago ng Saligang Batas, ayon sa tatlong nabanggit na kaparaanan.

Sakaling matuloy, sa huli ay idaraan ito sa isang halalan na kung tawagin ay plebisito para pagbotohan ng mamamayan kung sang-ayon sila o hindi na aprobahan ang binalangkas na Saligang Batas.

Ang nais ng liderato sa Kamara at Senado ay idaan sa proseso ng Con-Ass ang paglikha ng bagong Saligang Batas.

Ibig sabihin nito, ang Kamara at Senado ay magsasanib at ang mga kasalukuyang nakaupo para bumuo sa kanilang sarili bilang Constituent Assembly na susulat ng Saligang Batas.

Diyan tayo sa proseso ngayon may malaking problema at hindi sa mismong pagbabago ng Saligang Batas.

Hindi pa man kasi napasisimulan ay ikinakamada na agad ng mga hindoropot na mambabatas na idisenyo agad ang kahihinatnan sa pagbabago ng Saligang Batas na papaboran ang sarili nilang interes at kapakanan.

Sakaling maaprobahan ang Con-Ass, hindi matutuloy ang midterm election sa 2019 kaya extended ang termino ng mga mambatas hanggang 2022.

Halimbawa, si Sen. Antonio Trillanes na hindi na sana eligible o kuwalipikadong makatakbong senador sa pagtatapos na kanyang termino sa 2019 ay magpapatuloy hanggang sa 2022.

At tiyak na marami pang probisyon sa Saligang Batas na laban sa interes ng publiko at kapakanan ng mamamayan ang malilikha sa masamang uri ng nakararaming mambabatas ngayon.

Kaya’t hindi tayo naniniwalang kokontra ang oposisyon sa isusulong na pagbabago ng Saligang Batas dahil sila ang higit na makikinabang, kasama ng administrasyon.

Wala man tayong magagawa ngayon, sa plebisito na lang tayo maghiganti kapag natuloy ang Con-Ass at ang mga kahayupang binabalak ng mga mambabatas na magdisenyo ng mga batas laban sa interes ng bansa at mamamayan.

Dalawang linggo na mapayapang civil disobedience lang na walang lalabas ng bahay ay siguradong mapupurnada ang kanilang maliliga­yang araw.

‘MISMANAGEMENT
CRISIS’ SA LIDERATO
NG PNP

MASUWERTENG nilalang si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, kahit maraming sinabi na puro hindi naman nagkakatotoo ay may isang tao na matiyagang nagtitiwala sa kanya – si beloved Pres. Rodrigo “Digong” Duterte.

Kahit nakatakda na siyang magretiro sa serbisyo ngayong buwan sa edad na 56 anyos, alinsunod sa mandatory retirement age, ay mananatili pa rin si Bato bilang hepe ng PNP matapos siyang gantimpalaan ng three-month extension ni Pres. Digong na tatagal hanggang 21 Abril 2018.

Kaya naman tatlong buwan pang kaiinipan ng mga preso si Bato, ang susunod na director ng Bureau of Corrections (BuCor).

‘Di po ba ‘yan ay magandang balita para sa mga bugok na pulis na limpak-limpak ang nakakamal sa talamak na illegal gambling na noong una’y ipinangakong susugpuin pero hindi naman natupad ni Bato sa loob nang halos dalawang taon niyang liderato at pamumuno sa PNP?

Ibig sabihin, tatlong-buwan pang magpapasasa sa ‘tongpats’ ang mga damuhong pulis kapalit ng ibinibigay na proteksiyon ng PNP sa negosyo ng ‘jueteng’ at illegal gambling sa bansa.

Samantala, ang publiko naman ay tatlong-buwan pa ang takot at pangambang titiisin habang si Bato na may kahanga-hangang malasakit at pag-aaruga sa mga abusadong pulis ang nana­natiling hepe ng PNP.

Sabi nga, ang panahon ay masyadong maikli para sa isang matinong lider pero ang tatlong-buwan ay nakaiinip para sa masama at walang-kuwentang namumuno.

Aba’y, sinong matinong mamamayan ang hindi mangangamba na basta na lamang niratrat nang walang kagatol-gatol ng Mandaluyong City Police ang mga sakay ng Mitsubishi Adventure, kamakailan?

Kabilang sa dalawang nasawi ang isang babaeng biktima ng pamamaril na isusugod sa ospital pero minalas at itinanghal na bangkay sa insidenteng naganap sa kanto ng Old Wack-Wack at Shaw Boulevard.

Para sa atin, hindi ito matatawag na simpleng “mistaken identity” na kinasangkutan din ng mga de-baril na tanod ng Bgy. Addition Hills.

Kompirmasyon ito sa hindi mapapasubaliang “mismanagement crisis” at kalidad ng liderato mayroon sa PNP ngayon.

Paano magagarantiyahan ni Bato ang kaligtasan ng publiko at mamamayan kung paulit-ulit ang kapalpakan sa PNP operations?

Nakaaawa naman si Pang. Digong dahil siya na lang yata ang bukod-tangi at mag-isang naniniwala kay Gen. Bato.

Santisima!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

 

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *