TATLO katao ang iniulat na sugatan dahil sa tama ng stray bullets makaraan ipagdiwang ang Pasko, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP).
Sa datos ng PNP mula 16-26 Disyembre 2017, ang mga biktima ay mula sa National Capital Region, Regions 3, at 5.
May tig-isang insidente ng stray bullets sa Region 1 at Region 13.
Habang pito, kabilang ang dalawang police personnel, ang inaresto, at pito ang tinutugis dahil sa illegal discharge ng kanilang armas.
Inaresto ng National Capital Region Police Office ang dalawang PNP personnel, isang barangay kagawad sa Region 1, at apat sibilyan sa Regions 3 at 7.
Kabilang sa inaresto si PO1 Arnod Gabriel Sabillo, nakatalaga sa Montalban Police Station, makaraan i-report ng isang concerned citizen sa pagpapaputok ng baril sa Sgt. De Leon Street, HBO compound, Brgy. Santolan, Pasig City, dakong 1:00 ng hapon noong 24 Disyembre.
Samantala, pinaghahanap ng pulisya ang limang sibilyan sa Metro Manila, isang dating CAFGU sa Region 5, at isang PNP personnel sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) dahil sa ilegal na pag-discharge ng kanilang armas.
Habang mayroong walong biktima ng paputok, apat sa nasabing bilang ay mula sa Metro Manila, isa sa Region 1, isa sa Region 6, isa sa Region 8, at isa sa Cordillera Administrative Region.
Samantala, anim ang inaresto sa illegal possession, paggamit at pagbebenta ng paputok, habang walo ang pinaghahanap.