ENGRANDE sa ‘di lang maluho ang idinaos na Christmas Party ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) habang binabayo ng bagsik ni bagyong “Urduja” ang ating mga kababayan sa Kabisayaan.
Ibinulgar ni dating jueteng whistleblower at ngayo’y PCSO director Sandra Cam na mahigit sa P10-milyon ang halagang nawaldas mula sa pondo ng PCSO sa mala-bonanza at extravaganteng Christmas Party ng PCSO sa Isla Ballroom ng five-star hotel na Edsa Shagri-La Plaza nitong Martes (Dec. 19).
Komporme tayo kay Ate Sandra na kumukuwestiyon sa “propriety” ng hindi wastong paggamit sa pondo ng PCSO na dapat nga naman ay prayoridad na laan para sa kawanggawa.
Wala nga naman sapat na paliwanag para ma-justify o bigyang katwiran ni Gen. Manager Alexander Balutan kung bakit kailangang grandioso ang selebrasyon na maari namang mairaos sa simpleng salo-salo sa tanggapan ng PCSO, imbes pagkagastahan nang milyon-milyon sa isang five star hotel.
Pinalalabas ni Balutan na nakatipid pa raw sila, mula sa P10-milyon ay napababa pa raw nila ang gastos sa P6-milyon gayong mahigit sa P14-milyon ang talagang pondo na inaprubahan ni Sec. Benjamin Diokno at ng Department of Budget and Management (DBM) para sa karumal-dumal na Christmas Party ng PCSO.
Aba’y bongga at nakabibilib ang pagiging galante ni GM Balutan na dinaig pa si Santa Claus na umabot sa P3-milyon ang ipinamigay na premyo sa raffle at pa-contest na nilahukan ng mga empleyado.
Dinaig pa ang malalaking professional singing contest at talent search sa telebisyon na may P200,000, may P150,000, may P100,000 at dalawang P50,000 ang mga papremyong cash na inubos ni GM Balutan sa mga PCSO employees.
Susmaryosep, maliwanag na labag ‘yan sa Code of Conduct and Ethical Standards for Officials and Employees (RA 6713) na dapat sundin ng mga nasa pamahalaan.
Aber, tingnan natin kung may lakas-loob si Ate Sandra na kasuhan si Balutan at ibang opisyal ng PCSO.
Abangan!
SAGOT NG SANDIGANBAYAN
ANG MGA MAGNANAKAW!
HINDI pa man nailalabas ang mandamiento de arresto (warrant of arrest) laban sa kanila ay laya na agad ang magkapatid na Jo Christine at James Christopher Napoles, at ang tiyuhing si Ronald Francisco Lim, mga co-accused ni suspected pork barrel scam queen Janet Lim Napoles sa P900-million Malampaya fund scam.
Ito ay matapos paboran ng mga banal at maawaing mahistrado ng Sandiganbayad, ‘este, Sandiganbayan Third Division na pinamumunuan ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang petition to reduce bail ng tatlong co-accused ni Napoles sa P900-million Malampaya fund scam.
Si Cabotaje-Tang ay kontrobersiyal na appointee ni dating Pang. Benigno “Noynoy-PNoy” Aquino III bilang presiding justice ng Sandiganbayan Third Division noong October 2013 dahil marami siyang nalaktawan na mas senior kaysa kanya.
Bukod sa bargain sale ang petition to reduce bail, matatandaan na si dating senador Jinggoy Estrada na nahaharap sa kasong plunder o pandarambong na walang piyansa ay pinayagang makalaya ng Sandiganbayan.
Mula sa P22.3-million na unang itinakda ng Sandiganbayan ay pinayagan ang tatlong akusado na mapababa ang kanilang piyansa sa halagang P5,577,500 o katumbas ng 75-percent discount para sa 194 kasong kriminal, bawa’t isa.
Samantala, masuwerte nang makakuha ng 50-porsiyentong diskuwento ang mga mamamahayag na nakakasuhan ng libelo dahil sa pagbubulgar ng mga katiwalian sa gobyerno.
Paano nga ba hindi lalakas ang loob ng mga kawatan sa pamahalaan kung ang mga naatasang humatol at magparusa sa kanila ay mabait sa mga magnanakaw, imbes sa mamamayan na pinagnanakawan.
Kaduda-duda ang mga desisyon ng mga mahistrado ng Sandiganbayan at sila na rin mismo ang nagsisilbing promotor kaya’t hindi masasawata ang katiwalian sa pamahalaan.
Sa Sandiganbayan pala malaki ang discount ngayong magpa-Pasko, kompara sa mga Mall.
Kaya naman talagang merry ang Christmas para sa pamilya Napoles.
Kaya kayong mga nasa pamahalaan ay huwag nang matakot at mag-atubiling magsipagnakaw at mandambong dahil sagot kayo ng Sandiganbayan!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])