ININSPEKSIYON ng mga opisyal ng Department of Health (DoH) ang ilang malalaking ospital sa Kamaynilaan para tiyakin ang kahandaang tugunan ang mga mabibiktima ng paputok.
Kabilang sa mga ospital na ininspeksiyon ang Rizal Medical Center sa Pasig, Quirino Memorial Medical Center (Labor Hospital) sa Quezon City, at ang University of Santo Tomas Hospital sa Sampaloc, Maynila.
Ang inspeksiyon ay pinangunahan ni Health Undersecretary Gerardo Bayugo.
Hindi kasama sa inspeksiyon si Health Secretary Francisco Duque III dahil kinailangan niyang lumipad patungong Biliran kasama si Pangulong Rodrigo Duterte para tingnan ang sitwasyon ng lalawigan na sinalanta ng bagyong Urduja.
Tiniyak ng mga kinatawan ng mga nabanggit na ospital na handa sila para sa mga pasyente ngayong Pasko, lalo sa mga mabibiktima ng paputok sa papalapit na Bagong Taon.
Kabilang sa mga ti-ningnan ng mga tauhan ng DoH ang mga kagamitan sa emergency rooms.
Sa 21 Disyembre sisimulan ng DoH ang pagbibilang ng mga biktima ng paptuok.
Itataas ng DoH ang code white alert sa lahat ng ospital pagsapit ng 31 Disyembre.
Ibig sabihin, hindi papayagang lumiban ang lahat ng mga tauhan ng ospital, lalo ang mga nakatalaga sa emergency rooms.
Noong nakaraang taon, 630 ang naitalang sugatan dahil sa paputok.
Inaasahan ng DoH na bababa ang bilang dahil sa pagpapalabas ni Pangulong Duterte ng kautusan hinggil sa mga paputok.