TUMINDI ang pagbaha sa Tacloban bunsod nang ilang araw na pag-ulan dulot ng bagyong Urduja, kaya muling bumalik ang takot ng mga residente sa kanilang naranasan bunsod ng super typhoon Yolanda na lubusang puminsala sa lungsod, apat taon na ang nakararaan, ayon sa local officials kahapon.
Tatlo katao ang namatay bunsod ng bagyong Urduja (international name: Kai-tak) na patuloy na nananalasa sa Visayas, kasunod ang isa pang bagyo na pinangalanang Vinta.
“Akala namin typhoon Yolanda ulit kasi the winds were very, very strong,” pahayag ni Tacloban Vice Mayor Jerry Yaokasin.
“This is really the second to super typhoon Yolanda… Parang nag-flash back sa amin lahat iyang super typhoon Yolanda.”
Ang isla ng Leyte, kinaroroonan ng Tacloban, at ang Samar ang matinding hinagupit ni Yolanda (international name: Haiyan) noong 2013, na nag-iwan ng 7,350 katao namatay o nawawala.
Tinatayang 15,000 katao ang inilikas sa Tacloban simula nang magpaulan ang bagyong Urduja nitong Sabado, ayon kay Yaokasin, inilarawan ang pagbaha bilang “massive and severe.”
Binaha rin ang relocation site ng mga pamilyang inilipat doon mula sa coastal areas bunsod ng storm surges noong maganap ang Yolanda, aniya.