UMABOT na sa 26 katao ang kompirmadong namatay habang 23 ang nawawala bunsod ng landslide at pagbaha sa ilang mga lugar sa lalawigan ng Biliran, ayon sa ulat ng local officials, nitong Linggo ng hapon.
Ayon kay Biliran Governor Gerry Boy Espina, inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na isailalim ang buong lalawigan sa state of calamity.
Aniya, isusumite niya ang rekomendasyon ng PDRRMO sa provincial board ngayong Lunes ng umaga.
Sinabi ni Espina, karamihan sa mga biktima ay namatay sa landslide sa ilang mga erya ng lalawigan habang humahagupit ang bagyong Urduja.
Sa naunang ulat, sinabi ni PDRRMO head Jun Basilio, pito sa kompirmadong namatay ay mula sa capital town ng Naval.
Habang sa ibang ulat, anim katao, kabilang ang dalawang bata, ang namatay sa landslide sa bayan ng Almeria.
Samantala, sinabi ni Basilio, mahigit 15 sa kabuuang bilang ng mga nawawala ay mga residente sa Brgy. Lucsoon, sa bayan ng Naval.
Aniya, walong kabahayan ang nabaon makaraan gumuho ang lupa sa nasabing barangay.
Patuloy aniya ang isinasagawang search and rescue operation para sa iba pang nawawalang mga residente sa Brgy. Lucsoon.
Aniya, naganap ang landslides habang nananalasa ang bagyong Urduja nitong Sabado.
Sinabi ni Basilio, ang mga residente ng Brgy. Lucsoon, naroroon sa paanan ng bundok, ay pinayohang lumikas bago ang pananalasa ng bagyong Urduja sa kalapit na Eastern Samar.
HATAW News Team
Sa Tacloban
TAKOT
KAY YOLANDA
BINUHAY
NI URDUJA
TUMINDI ang pagbaha sa Tacloban bunsod nang ilang araw na pag-ulan dulot ng bagyong Urduja, kaya muling bumalik ang takot ng mga residente sa kanilang naranasan bunsod ng super typhoon Yolanda na lubusang puminsala sa lungsod, apat taon na ang nakararaan, ayon sa local officials kahapon.
Tatlo katao ang namatay bunsod ng bagyong Urduja (international name: Kai-tak) na patuloy na nananalasa sa Visayas, kasunod ang isa pang bagyo na pinangalanang Vinta.
“Akala namin typhoon Yolanda ulit kasi the winds were very, very strong,” pahayag ni Tacloban Vice Mayor Jerry Yaokasin.
“This is really the second to super typhoon Yolanda… Parang nag-flash back sa amin lahat iyang super typhoon Yolanda.”
Ang isla ng Leyte, kinaroroonan ng Tacloban, at ang Samar ang matinding hinagupit ni Yolanda (international name: Haiyan) noong 2013, na nag-iwan ng 7,350 katao namatay o nawawala.
Tinatayang 15,000 katao ang inilikas sa Tacloban simula nang magpaulan ang bagyong Urduja nitong Sabado, ayon kay Yaokasin, inilarawan ang pagbaha bilang “massive and severe.”
Binaha rin ang relocation site ng mga pamilyang inilipat doon mula sa coastal areas bunsod ng storm surges noong maganap ang Yolanda, aniya.
232 AREAS
SA 2 REHIYON
SA VISAYAS
BINAHA
MAHIGIT 200 areas sa dalawang rehiyon ng Visayas ang nalubog sa baha bunsod ng malakas na buhos ng ulan dulot ng bagyong Urduja.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kanilang 10:00 pm bulletin nitong Sabado, kabuuang 232 areas sa Eastern at Western Visayas ang nalubog sa baha.
Hanggang nitong Linggo ng umaga,
tanging 38 lugar sa dalawang rehiyon ang humupa na ang baha.
VINTA SUSUNOD
SA LANDAS
NI URDUJA
ANG bagyong papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay maaaring sumunod sa landas na dinaanan ng bagyong Urduja, ayon sa pahayag ng PAGASA weather forecaster, nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa ulat, ang bagyong Vinta ay maaaring pumasok sa PAR sa Martes o Miyerkoles at tahahakin ang dinaanan ni Urduja.
“Posible pong tatahakin ng paparating na bagyo ang daan ni Urduja. Usually sa ganitong mga buwan, Visayas at Mindanao ang dinaraanan ng mga bagyo… dahil sa malamig na hanging Amihan,” ayon kay Aldczar Aurelio ng PAGASA.
Ang malamig na ha ngin mula sa Northeast Monsoon (Amihan) sa “Ber1” months ang tumutulak sa bagyo sa panahong ito ng taon, patungo sa mga erya ng Visayas at Mindanao.