PATAY ang dalawa katao habang lima ang sugatan at isa ang nawawala makaraan masunog ang ilang kabahayan sa Loreto St., Sampaloc, Maynila, nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa ulat ng pulisya, tinatayang 30 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraan matupok ang 10 bahay.
Napag-alaman, nagsimula ang sunog bandang 10:20 at naapula dakong 11:23 am. Umabot ang sunog sa ikaapat na alarma.
Pagkaraan, natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ni Anastacio Cruz, 77, habang hinahanap ang isa pang matanda.
Samantala, hindi pa nakukuha ang pagkakakilanlan ng isa pang biktimang namatay sa insidente.
Ayon pa sa ulat, tumalon mula sa pinakamataas na palapag ng bahay ang apat miyembro ng pamilya kaya nabalian ng buto si Maria Gonda, 66, at nasugatan ang kanyang anak na si Mary Ann Felipe, 42. Hindi nasaktan ang dalawang anak ni Mary Ann.
Nasugatan habang inaapula ang sunog ang dalawang bombero na sina FO1 John Macris Natividad at FO1 Richie Catle. At itinakbo sa ospital ang isang hindi pa nakilalang indibiduwal.
Inihayag ni Chief Insp. Crosib Cante, ground commander ng Manila Fire Dept., sa ikalawang palapag ng bahay na inuupahan ng isang Boy Artus, nagsimula ang apoy dahil sa umano’y ilegal na koneksiyon ng koryente.
Ngunit sinabi ni Rosemari Villota, nakatira sa ibaba ng bahay na pinagmulan ng sunog, nagsimula ang apoy dahil sa mga batang naglalaro umano ng posporo.
Inaalam ng mga awtoridad ang halaga ng natupok na mga ari-arian sa insidente.