ANONG petsa na?!
Pero hanggang ngayon, wala pa rin resulta ang imbestigasyon ng Quezon City Fire Division na pinamumunuan ni S/Supt. Manuel M. Manuel alyas Kernel Triple M sa sunog na naganap sa isang warehouse sa Villa Carolina, San Bartolome, Quezon City nitong 23 Nobyembre 2017.
Bakit mahalaga ang resultang ilalabas ng QC Fire Division sa nasabing sunog?
Dahil malaking bagay ito upang madetermina kung ang kompanyang Albri’s Food Philippines Inc., ay walang nilalabag na batas sa pagnenegosyo ng iba’t ibang uri ng kemikal na kinabibilangan ng denatured at ethyl alcohol.
At lalo pang nagkakaroon ng ibang ‘hinala’ ang mga residente sa nasabing lugar, dahil nga sa matagal na pananahimik ng kampo ni Kernel Triple M.
Bakit nga ba, Kernel Triple M?!
Magkano ‘este ano ba ang nasa likod ng napakabagal na paglalabas ninyo ng resulta ng imbestigasyon sa pagkasunog ng warehouse ng Albri’s Food Philippines Inc.?
Hanggang ngayon ba’y hindi ninyo matukoy kung anong klaseng alcohol ang pinagmulan ng sunog?! Hindi ba ninyo, matukoy kung imported o local ang alcohol na pinagmulan ng sunog?!
O baka naman kasama sa nasunog ang Official Register Book (ORB) na ininstila ng Large Taxpayers Field Operations Division (LTFOD)?
Mayroon ba?!
Alam kaya nina Kernel Triple M., na sa ORB dapat nakatala ang araw-araw na transaksiyon ng denatured alcohol na idini-deliver sa mga customer o buyer?
Ang duplicate copies ng transcript nito ay isusumite sa Large Taxpayers Performance Monitoring and Programs Division (LTPMPD), bago o sa eksaktong, ika-walong araw ng bawat buwan.
Nalaman kaya ng QC Fire Division na gumagawa ng ulat ang Albri’s sa LTPMPD?
Alam din kaya ni Kernel Triple M, na kapag natuklasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi gumagawa ng tamang ulat ang Albri’s ay maaari silang bawian ng permit?!
Quezon City Business Permits and Licensing Office chief, Gary Domingo, sir, baka hindi pa nakakarating sa inyong kaalaman ang huling insidente sa Albri’s?!
Baka kung kayo ang susundot dito ay maglabas na ng report si Kernel Triple M kung ano talaga ang dahilan ng sunog…
Pakisudsod na nga, Kyusi BPLO chief, Gary Domingo Sir!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap