ISA sa pelikulang kaabang-abang sa darating na Metro Manila Film Festival 2017 ay ang musical-drama na Ang Larawan na hango sa play ni Nick Joaquin, ang A Portrait of the Artist as Filipino na pinagbibidahan nina Paulo Avelino, Rachel Alejandro, Joanna Ampil at marami pang ibang OPM icon na idinirehe ni Loy Arcenas.
Ang kuwento nito ay tungkol sa pagmamahal sa pamilya at pagmamahal sa sining.
Sa statement ng mga producer ng pelikula, kabilang ang Heaven’s Best Entertainment nina Harlene Bautista, kahit noong 1941 pa ang setting ng pelikula, siguradong makare-relate pa rin ang mga Pinoy.
Tatakbo ang kuwento sa dalawang unmarried sisters, sina Candida at Paula, na tumangging ibenta ang painting ng kanilang amang si Don Lorenzo Marasigan kahit na ang kapalit ay malaking kayamanan at karangyaan sa buhay.
Ang isa pa sa masasabing highlight ng pelikulang Ang Larawan ay ang huling La Naval procession sa Intramuros na isa sa mga hindi malilimutang bahagi ng kasaysayan ng Maynila.
“This scene is one of the reasons why our movie got a grant from the Quezon City Film Development Commission, since the Our Lady of the Most Holy Rosary La Naval is a patroness of Quezon City. We are very blessed and thankful,” ayon kay Celeste Legaspi na siyang executive producer ng pelikula at isa rin sa members ng cast.
Kabituin din sa Ang Larawan sina Nonie Buencamino, Menchu Lauchengco-Yulo, Robert Arevalo,Sandino Martin, Cris Villonco, Aicelle Santos, Cara Manglapus, Jojit Lorenzo. May special participation sina Ogie Alcasid, Rayver Cruz, at Zsa Zsa Padilla gayundin sina Bernardo Bernardo, Jaime Fabregas, Noel Trinidad, Nanette Inventor, at Dulce.
(JOHN FONTANILLA)