UMABOT sa 14 rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napatay makaraan makisagupa sa mga tropa ng gobyerno sa Nasubgu, Batangas, nitong Martes, ayon sa ulat ng militar at pulisya kahapon.
Limang gerilyang NPA ang napatay habang dalawang rebelde ang sugatan makaraan ang sagupaan sa Sitio Pinamuntasan, Brgy. Aga, ayon sa ulat ng Nasugbu police.
Siyam iba pang rebeldeng NPA ang napatay sa hiwalay na sagupaan sa Sitio Batulao, Brgy. Kaylaway, ayon sa pulisya.
Habang lima ang sugatan sa panig ng pamahalaan. Ang mga sugatang rebelde at mga tropa ng gobyerno ay dinala sa kalapit na mga ospital.
Sinabi ni Brigadier General Arnulfo Marcelo Burgos, Jr., commander ng 202nd Infantry Brigade, narekober ng mga tropa ng gobyerno ang 12 matataas na kalibre ng armas sa encounter site.
Napag-alaman, nagresponde ang Air Force 730th Combat Group at Nasugbu Municipal Police makaraan matanggap ang impormasyon na mayroong armadong kalalakihan sa nasabing erya dakong 8:30 pm.
Ngunit agad silang pinaputukan ng mga rebelde na nagresulta sa sagupaan.
Naniniwala ang militar na ang mga napatay ay nalalabing miyembro ng NPA na marami rin ang nalagas makaraan makasagupa ang mga elemento ng 730th Combat Group sa pamumuno ni Maj. Engelberto Nioda, nitong 20 Nobyembre sa Brgy. Utod.
HATAW News Team